Kamakailan lang ay lumapag na sa Perlas ng Silanganan ang isa sa pinakamagaling na Mobile Legends: Bang Bang jungler sa North America.

Dumating na si BloodThirstyKings star jungler at content creator Michael “MobaZane” Cosgun sa Pilipinas noong ika-7 ng Abril upang maranasan ang tindi ng kompetisyon sa tinitingalang MLBB esports scene ng bansa.


Target ni MobaZane na makalaro ang MPL PH pros

MobaZane (kaliwa) at Gemik
Credit: Gemik

Kumalat ang balita patungkol sa pagdating ni MobaZane sa Pilipinas matapos mag-post ng litrato si former EVOS Legends coach at French content creator Gemik, na nakatira ngayon sa bansa, kasama ang BTK player.

“I told him breakfast is balut, he said ok. We’ll see if he’s okay with that (Sinabihan ko siya na ang almusal ay balut at sabi niya okay lang sa kanya. Tignan natin kung talaga ngang okay siya doon),” biro ni Gemik.

Noong Pebrero pa lang ay naikwento na ng 20-year-old American jungler ang kanyang plano na pumunta sa Pilipinas kasama ang kanyang mga kakampi na sina Ian “FwydChickn” Hohl at Carti (na kilala rin sa IGN na Victor).

Credit: Moonton

Maglalagi si MobaZane sa Laguna ng at least isang buwan at ila-livestream niya ang kanyang ranked games tulad ng nabanggit niya sa kanyang mga nakalipas na stream.

Sinabi niya na ang pangunahing rason ng pagpunta niya sa Southeast Asian region ay para makalaro ang mga professional players sa MPL Philippines at kung maaari ay maka-collaborate sila sa paggawa ng ilang content.

“I’m not joining a team… [at] the moment (Hindi ako sasali sa isang koponan sa ngayon),” wika niya.

“I’m just gonna be playing Mobile Legends most of the time (Maglalaro lang ako palagi ng Mobile Legends).”

Nabanggit niya rin noon na gusto pa rin niyang irepresenta ang BTK sa M4 World Championship at bukas siya sa oportunidad na makasali sa ibang koponan pagkatapos ng naturang torneo.


Salin ito ng artikulo ni Jules Elona ng ONE Esports.