Papalapit na ng papalapit ang pagbubukas ng inaantabayang Mobile Legends: Bang Bang Professional League- Philippines Season 8 Playoffs, at siguradong sabik na ang mga fans na masaksihan ang magaganap sa isa sa pinakamainit na Mobile Legends liga sa mundo.

Katatampukan ng mga pinakamalalaking pangalan sa eksena ang MPL PH Season 8 playoffs, kung saan malalaman ang kupunang mag-uuwi ng prestihiyosong kampyonato.


Mga detalye tungkol sa MPL PH Season 8 playoffs

Opisyal na magbubukas ang MPL PH Season 8 playoffs sa ika-21 ng Oktubre na kabibidahan ng top 6 na kupunang naka-qualify sa post-season.

Tatakbo ang playoffs hanggang ika-24 ng Oktubre, na siya ring araw kung kailan gaganapin ang grand finals na hihirang sa pinakahuling Grand Champions ng MPL.

Bukod sa korona, makatatanggap din ng malaking bahagi ng US$150,000 (o PhP 7.5 Million) prize pool ang kampyon, kasama na ang pagiging kinatawan ng Pinas sa paparating na M3 World Championships ngayong Disyembre.


Mga teams na lalahok sa MPL PH Season 8 Playoffs

Regular Season Standings

RANKTEAMW-L RecordPoints
1Blacklist International13-134
2ONIC Philippines9-527
3Nexplay EVOS7-723
4Smart Omega5-820
5ECHO6-819
6RSG Philippines7-717

6. RSG Philippines

Credit: MPL Philippines

Maraming nagpalagay bago magsimula ang Season 8 na hindi makatitikim ng post-season aksyon ang baguhang team na ito. Gayunpaman, pinatunayan ni Coach Brian “Panda” Lim na mali ang mga miron.

Pasabog ang ipinakita ng kupunang tinawag na “King Slayers” sa regular season, kung saan itinumba nila ang ilan sa mga dekalibreng kupunan tulad ng Smart Omega at BREN sa unang bahagi ng season.

Ito rin ang nagtulak sa kanila sa number 3 spot matapos ang Week 4 kung saan nagtala sila ng 6-3 sa standings.

Bagamat hindi naging maganda ang huling bahagi ng kanilang regular season, siguradong magdadalawang-isip ang sinumang magmamaliit sa kupunan na ito sa pagbubukas ng MPL PH Season 8 playoffs.


5. ECHO

Credit: ECHO

Mabibilang sa daliri ang mga bakbakang hindi nagpakitang-gilas ang kupunan na pinamumunuan ni Christian “Rafflesia” Fajura.

Disiplinado ang atake ng ECHO dahil sa beteranong tank/support, na siya ring tumulong para makuha ng kupunan ang disenteng 6-8 win-loss record matapos ang pitong linggo na bakbakan.

Kahit pa nanatili sa gitna ng standings sa malaking bahagi ng regular season, hindi malayong may henyong atake na nakatago sa bulsa ni Coach Steven “Dale” Vitug.


4. Smart Omega

Credit: Z4pnu

Delubyo ang unang bahagi ng regular season para sa Smart Omega na nanatili sa laylayan ng standings hanggang Week 5. Gayunpaman, ipinakita ng kupunan ni Coach Jaime “Pakbet” Abalos ang kamandag ng kaniyang kupunan sa huling bahagi ng Season 8.

Mula sa pagiging 7th place matapos ang Week 5, tumalon sa 4th place ang mga hari ng Southeast Asia matapos ang Week 7, tampok ang 3-game winstreak na nagpatunay sa kalibre ng bantog na kupunan.

Pagdako ng MPL PH Season8 playoffs, mailalabas kaya muli ng Omega ang lason ng lupon? Antabayanan ang kanilang unang bakbakan kontra ECHO.


3. Nexplay EVOS

Credit: MPL Philippines

Gaya ng naging takbo ng Smart Omega, masalimuot din ang pagbubukas ng regular season para sa Nexplay EVOS. At gaya ng Smart Omega, matiyaga ding inapula ng NXPE ang mapait na pangyayari sa pamamagitan ng pagbulusok sa huling bahagi ng season.

Matinding 3-game win-streak ang binuo ng kupunan ni Setsuna “AkosiDogie” Ignacio sa gitna ng season, na itinodo ang bwelta sa dulo para itala ang 23 points na sapat para sa 3rd place sa standings.

Malaking bahagi ng tagumpay ng Nexplay ang adjustment nilang ginawa sa kanilang lineup, kung saan lumipat sa EXP lane si Renejay “RENEJAY” Barcase habang tumao naman sa Gold lane si Jhonwin “Hesa” Vergara.

Ngayong paparating na ang MPL PH Season 8 playoffs, magagawa kaya nila ang pinakamalaking pasabog sa kasaysayan ng MPL?


2. ONIC Philippines

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Kung may isa sa mga kupunang tatayaan ng mga miron pagdating ng MPL PH Season 8 playoffs, siguradong ang ONIC Philippines ay isa sa mga kupunang iyon.

Halos perpekto ang timpla ng kupunang kinabibidahan ng superstar na si Kairi “Kairi” Rayosdelsol, na simula palang ng season ay naghasik na ng lagim sa kaniyang pagbabalik sa jungler position.

At maaasahang hindi prepreno ang kupunan ni Coach Denver “Yeb” Miranda pagpasok ng MPL PH Season 8 playoffs, dahil bukod sa momentum na dala nila sa huling bahagi ng season, ay sila din ang kupunang pumutol sa nagbabagang 11-game winstreak ng Blacklist International.


1. Blacklist International

Credit: Blacklist International

Malinis. Desimulado. Perpekto. Iyan ang mga salitang makapaglalarawan sa atakeng dala ng defending champions Blacklist International. At iyan din ang ipinakita nila sa kanilang kampanya sa regular season.

Pinamalas muli ng kupunang pinangungunahan ni Johnmar “OhMyV33NUS” Villaluna ang kakaibang lebel ng MLBB play gamit ang kanilang signature na Ultimate Bonding Experience (UBE) strat na nagpadapa sa lahat ng mga kupunang kasali sa liga.

Masasabing repeat performance ang kanilang 13-1 win-loss card mula sa nakaraang season na may 12-1 record. Magiging repeat performance din kaya ang kanilang takbo sa MPL PH Season 8 playoffs? Iyan ang dapat abangan.


Sundan ang mga pinakahuling balita tungkol sa MPL PH Season 8 Playoffs sa pamamagitan nag pagsubaybay sa Facebook page ng ONE Esports Philippines!