Hinirang si sophomore EXP laner Nathanael “Nathzz” Crisologo bilang Finals Most Valuable Player matapos niyang pangunahan ang 4-1 victory ng RSG Philippines kontra Smart Omega sa MPL Philippines Season 9 grand finals.

Higit pa sa stats ang inambag ni Nathzz upang siguruhin na masusunggaban ng Raiders ang kampeonato sa ikalawang season palang nito sa pinakamalaking MLBB professional league sa bansa.


Ang championship performance ni Nathzz para sa RSG PH

Credit: MPL Philippines

Unang laro pa lang ay nagpakita na agad ng gigil si Nathzz na masungkit ang kampeonato nang pagbidahan niya ang dominanteng 22-8 panalo ng RSG PH sa loob ng 18 minuto gamit ang kanyang signature Esmeralda.

Tumikada siya ng perpektong 5/0/12 KDA at binitaw ang pinakataas na damage sa 58K habang tinangke niya naman ang 60K damage mula sa Omega para itanghal na Game 1 MVP.

Credit: MPL Philippines

Matapos makatabla ng OMG sa serye sa pamamagitan ng methodical na laruan sa Game 2, bumawi ang RSG sa likod ng Dyrroth ni Nathzz na nagtala ng 4/2/4 KDA, 44K damage at 60K damage taken na parehong pinakamataas sa kanyang koponan.

Bukod dito, nakakuha siya ng crucial kills sa Clint ni OMG star gold laner Duane “Kelra” Pillas upang iselyo ang 15-7 panalo.

Credit: MPL Philippines

Muling nahawakan ng rising EXP laner ang Esmeralda sa Game 4 at higit sa kanyang 2/1/6 KDA, ang pinakamalaking ambag niya ay ang pagtangke ng 130K damage at pag-zone out niya sa mga miyembro ng Omega para makapag-free hit ang Clint ni Eman “EMANN” Sangco.

Pagdating ng Game 5, matinding pangzo-zone out at panggugulo sa fomation sa kalaban na naman ang ginawa ni Nathzz sa kanyang Yu Zhong kaya na-secure ni Jonard Cedrix “Demonkite” Caranto ang mga objective para sa Raiders.

Malaki ang naging epekto ng perpektong timing ni Nathzz sa paggamit ng Black Dragon Form upang bulabugin ang OMG na sumandal sa Estes ni Joshua “Chk4nu” Mangilog at tulungan ang RSG na isara ang championship series.

“Masaya po ako kasi natupad ko ‘yung pangarap ko na maging MPL champion,” wika niya matapos makuha ang Finals MVP award.


Susubukan ni Nathzz na ipagpatuloy ang kanyang malupit na performance para sa RSG PH sa darating na Mobile Legends Southeast Asia Cup (MSC) 2022.

Pwede niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga balita patungkol sa MPL PH at MLBB pro scene.