Ibinangko muna ang grand final MVP noong nakarang season ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines na si Nathanael “Nathzz” Estrologo para makasabak si Kenneth “Kenji” Villa sa serye ng RSG Philippines kontra TNC Pro Team.

Bumida ang beteranong EXP laner gamit ang Ruby at Uranus para mawalis ng defending MPL PH at MLBB Southeast Asia Cup champions ang kanilang kalaban at mailista ang una nilang panalo sa gumugulong na season.

Pero ano nga ba ang dahilan sa likod ng desisyon na pagpalitan sina Nathzz at Kenji?

Coach Panda ipinaliwanag ang pagpalit nina Nathzz at Kenji

Bakit ibinangko si Nathzz para kay Kenji? Itong paliwanag ni Coach Panda
Credit: ONE Esports

Sa post-match press conference, ipinaliwanag ni Brian “Panda” Lim, coach ng RSG PH, na may kinalaman sa meta ang pagbangko muna kay Nathzz para kay Kenji.

“We’re still adapting to the meta pa. We felt like using ‘yung lahat ng sustain heroes like Esmeralda, a famous hero ni Nathzz, it’s not always the priority pick anymore. So we said how about now, let’s use Kenji na,” paliwanag ni Coach Panda.

Binanggit ng bantog na coach ang husay ni Kenji sa paglalaro ng mga utility heroes sa EXP lane gaya ng Ruby, Phoveus, Hylos, at Uranus, na ginamit niya para hiranging MVP noong ikalawang mapa ng serye kontra TNC, ang pangunahing dahilan sa desisyon.

Nilinaw din ni Coach Panda na may dalawang team na ipinapaikot ang RSG PH ngayon gamit ang mga bagong dagdag sa kanilang roster na sina John “Perkz” Sumawan at John “1rrad” Tuazon.

“Currently in RSG, there’s Team A and Team B, we don’t really have a main five, so Team A has their own scrims, Team B has their own scrims,” aniya.

Sa kabila naman ng mahusay niyang performance, inamin ni Kenji na nakaramdam din siya ng kaba bago muling sumalang sa entablado ng liga.

Bakit ibinangko si Nathzz para kay Kenji? Itong paliwanag ni Coach Panda
Credit: ONE Esports

“Medyo biglaan kasi three days pa lang talaga kaming nagpa-practice kaya may konting kaba. Hindi pa kami [sync na sync na lima] kasi pinalitan ko si Nathzz eh. So parang kulang pa,” pag-amin niya.

Gayunpaman, hindi naman siya nagkulang sa paghahanda. Pinanood daw ng SEA Games gold medalist ang mga nakaraang laban nila dahil aniya’y mas nakatutulong para sa kanyang magamay ang laruan ng iba’t-ibang teams.

Ikinatuwa niya rin ang pagkakataong muling makapaglaro sa harap ng live audience na tampok ngayon sa MPL PH Season 10 matapos ang ilang nagdaang season na ginanap online dahil sa pandemya.

“Naalala ko ‘yung Season 1 dati na maraming fans. Nakaka-boost po ng confidence, parang gusto ko patunayan na kahit matanda na… kaya ko pa,” aniya.

Sasabak muli ang RSG PH sa Linggo, ika-21 ng Agosto, laban naman sa ONIC Philippines, sa ganap na ika-anim ng hapon. Masusubaybayan ang mga laban sa opisyal na YouTube at Facebook pages ng MPL Philippines.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: KarlTzy at ECHO ipinako ang 2-0 sweep kontra kila KyleTzy at Bren Esports