Isang puntos lang ang kailangan ng Nexplay EVOS para maka-qualify na sa playoffs ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 9, pero bigo silang makuha ito mula sa TNC Pro Team.

Hindi nakasagot ang tropa ni Michael “MP the King” Endino sa magkasunod na Valentina pick ng TNC Pro Team para kay Jomarie “Escalera” Delos Santos nang magharap ang dalawang koponan sa ikawalong linggo ng regular season.

Valentina ni Escalera nagpakitang-gilas kontra Nexplay EVOS

Himalang nakalusot sa laro ang isa sa mga most-banned hero ng season kaya naman hindi na pinalampas ni Escalera ang pagkakataon para paalalahanan ang kanilang kalaban kung bakit karapat-dapat itong i-ban.

Sa unang mapa, ginamit ng TNC Pro Team ang kanilang gold laner para gayahin ang Black Dragon Form ng Yu Zhong ni Jeff “S4gitnu” Subang. Mabisa ipang-zone out ni Escalera ang nanakaw na ultimate para mas madali nilang ma-secure ang bawat objectives.

Nexplay EVOS bigong makapuntos sa TNC para maselyo agad ang playoff spot
Credit: MPL Philippines | Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Halos gayun din ang naging kwento ng ikalawang mapa pero mas naging malinis ang laruan ng TNC Pro Team. Ang Valentina ni Escalera rin ang hinirang na MVP matapos magtala ng game-high 54,562 damage dealt na sinamahan pa ng apat na kills at tatlong assists kontra isang death.

Ang tsansa ng Nexplay EVOS na makapasok sa MPL PH S9 playoffs

Nexplay EVOS bigong makapuntos sa TNC para maselyo agad ang playoff spot
Credit: MPL Philippines

Bagamat bigong makapuntos kontra TNC Pro Team, hindi pa huli ang lahat para sa Nexplay EVOS.

Buhay pa rin ang tsansa nilang makapasok sa playoffs kung sakaling makapuntos sila kontra ECHO. Nakatakdang ganapin ang kanilang bakbakan sa ika-10 ng Abril sa ganap na ikawalo ng gabi.

Pero bago ang nakatakdang bakbakan, maaari rin makapasok sa playoffs ang Nexplay EVOS depende sa magiging resulta ng harapan ng Blacklist International at Smart Omega. Kung sakali kasing mawalis ng kahit sinong koponan ang naturang serye, wala nang koponan mula sa ibaba ng standings ang makaka-ungos sa Nexplay EVOS.

Gaganapin naman ang harapan sa pagitan ng Blacklist International at Smart Omega sa ikasiyam ng Abril, sa ganap na ika-anim ng gabi.


Para sa karagdagang balita, guides, at features tungkol sa MLBB at MPL Philippines, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Kampanya ng Bren Esports sa MPL PH S9, tinuldukan ng Smart Omega