Matapos ang tila malamlam na performance sa mga nakaraang linggo, nagpakitang-gilas si star jungler John Paul “H2wo” Salonga upang tulungan ang Nexplay EVOS na walisin ang Bren Esports, 2-0, at putulin ang kanilang four-match losing streak sa MPL Philippines Season 9.

Naging tampulan ng pamba-bash si H2wo at pagkukumpara kay NXPE rookie jungler Michael “MP The King” Endino sa kasagsagan ng sunod-sunod na pagkatalo ng kanilang koponan.

Kaya naman binago ng 19-year-old player mula sa Malabon ang kanyang mentalidad para maibalik ang kanyang tikas sa paglalaro ng Mobile Legends sa professional level.


Susi ang pagpapalit ng mindset sa magandang performance ni H2wo kontra Bren Esports

Credit: MPL Philippines

Isang perpektong laro ang ipinamalas ni H2wo gamit ang Paquito para buhatin ang Nexplay EVOS patungo sa dominanteng 18-8 panalo sa loob ng 17 minuto sa Game 1.

Sa tulong na rin ng kanyang longtime teammate na si Renejay “RENEJAY” Barcarse na gumamit ng tank Chou, tumikada ang batikang jungler ng 7-0-3 kill-death-assist stats at bumitaw ng mahigit 46K damage sa laban.

Credit: MPL Philippines

Ipinagpatuloy niya ang kanyang mabagsik na laro sa kanyang Paquito upang tuluyang maisara ng NXPE ang serye sa Game 2 at iselyo ang kanilang unang panalo mula noong default 0-2 loss nila sa ECHO.

Sa post-match interview, ibinahagi ni H2wo kung paano niya naibalik ang kanyang confidence sa paglalaro sa MPL PH.

“Nung laban po namin sa RSG, Game 1, down na down po ako nun eh kasi parang ako na naman sisisihin ng mga tao. Kapag the more na iniisip ko ‘yung sasabihin ng mga tao, mas lalong nasisira ‘yung laro ko. So nag-reset ako ng mindset ko na dapat nagtitiwala ako sa sarili ko. At dapat mag-stay lang ako sa laro,” wika ng NXPE mainstay.

“Pinipilit nila ibalik yung Season 6 ko na laro eh wala na ‘di na mababalik yun kasi paiba-iba yung meta,” dagdag pa niya.

Credit: MPL Philippines

Nagpasalamat si H2wo sa kanyang mga kakampi, kay Setsuna “Dogie” Ignacio at iba pang coaches ng NXPE, at higit sa lahat sa kanyang girlfriend na si Mika Salamanca na laging sumusuporta sa kanya.

“Kunyari po may laban kami kinabukasan, lagi po siya (Mika) may sinasabi sa’kin. ‘Pag nababasa niya po kasi ‘yung sinasabi ng mga basher, parang naaapektuhan din siya kaya ina-up (cheer up) niya po ako na ‘malakas ka, proud ako sayo.'”


NXPE umangat sa standings sa pagtatapos ng MPL PH Season 9 Week 6

Dahil sa 2-0 sweep laban sa Bren Esports, tumalon ang Nexplay EVOS sa No. 4 spot dala ang 16-points mula sa 5-6 series win-loss record.

Nanatili namang nasa ilalim ang Bren na may 8 points mula sa 3-8 slate at nanganganib na malaglag lalo na’t dalawang linggo na lang ang natitira sa regular season.

Credit: MPL Philippines

Painit pa ng painit ang karera patungong playoffs kaya naman manatiling tutok sa mga pangyayari sa MPL Philippines sa pamamagitan ng Facebook page ng ONE Esports PH.