Kampeon laban sa kampeon ang magaganap sa sagupaan ng kapwa Indonesian teams na Onic Esports at Alter Ego sa semifinals ng ONE Esports MPL Invitational 2021 (MPLI 2021) ngayong araw.
Ang Onic ang kasalukuyang hari ng MPL Indonesia matapos magwagi sa Season 8 habang ang Alter Ego naman ang defending champion ng MPLI na may kabuuang US$100,000 (higit PHP5 milyon) na papremyo.
Inapula ng Onic ang nagbabagang RSG PH, 2-1, para makausad sa final four habang nagpatuloy ang nag-aapoy na tournament run ng Alter Ego sa pagpapatalsik nito sa MPL Singapore titlist na EVOS SG, 2-0.

Ang mananaig sa bakbakang Onic ID vs Alter Ego ay aabante sa best-of-five Grand Finals kung saan makakaharap nito ang mananalo sa pagitan ng back-to-back MPL Philippines titlist na Blacklist International at isa pang Indonesian squad na RRQ Hoshi.
Bago ang kanilang nalalapit na laban, silipin muna natin ang kanilang head-to-head record sa MPL Indonesia Season 8 maging ang mga susi sa kanilang tagumpay sa salpukang ito sa MPLI 2021 semis.
Onic ID vs Alter Ego: Tapatan sa MPL Indonesia Season 8

Sa unang pagkukrus ng landas ng dalawang koponan sa MPL Indonesia Season 8, pintumba ng Alter Ego ang Onic Esports sa iskor na 2-1 para ilista ang kanilang pampitong sunod na panalo bago ito pahabain pa tungo sa 10-match undefeated streak. Pero bumawi ang Onic sa pinakahuling serye ng season sa pamamagitan ng 2-0 sweep kontra sa AE.
Nakuha ng Onic ID ang top seed bitbit ang 11-3 match win-loss record nito patungo sa playoffs habang hinila ng apat na sunod na talo sa pagtatapos ng regular season ang AE pababa sa No. 3 na may 10-4 kartada.
Hindi na muling nagkita pa ang dalawang mabibigat na koponan sa playoffs dahil nilaglag ng EVOS Legends ang AE habang ang Onic naman ay nasungkit ang kampeonato nang talunin nito ang RRQ Hoshi, 4-3, sa kapana-panabik na grand finals ng liga.
Ang mga susi sa tagumpay ng Onic ID

- Sirain ang pagfa-farm ni Celiboy
- Pahirapan si LeoMurphy
- Paganahin si Sanz
Ang star jungler na si Eldian Rahadian “Celiboy” Putra ang main man ng Alter Ego kaya naman parehong binigyang-diin ng mga batikang casters na sila Mark Adrian “Butters” Jison at Renmar Santa Cruz ang pagsira ng Onic sa farming pattern niya.
Malaking bagay din kung mapapahirapan ng reigning MPL ID king ang tank/roamer ng Alter Ego na si Julian “LeoMurphy” Murphy, na kilala sa kanyang magagandang initiations gamit ang kanyang signature Chou at Jawhead.
Kung ang Alter Ego ay may Celiboy, ang Onic naman ay may super rookie jungler na si Gilang “S A N Z” na nagpasiklab sa kanilang 2-0 sweep kontra sa RSG PH. Sa kanilang laban sa RSG, mabigat ang naging impact ng pagpasok ni Sanz sa main lineup matapos ‘di maglaro sa Game 1 kaya inaasahan na parehong agresibong playstyle ang ipapakita niya laban sa Alter Ego.
Ang mga susi sa tagumpay ng Alter Ego

- Bantayan ang early game-oriented draft ng Onic
- Ilabas ang mga assassin ni Celiboy
- Hayaang pangunahan ni Munsters ang mga team fight
Ayon kay Butters, kailangang pagtuunan ng pansin at hangga’t maaari ay kontrahin agad ng Alter Ego ang hilig ng Onic sa hero composition na pang-early game na katulad ng ginawa nila sa kanilang winning games laban sa RSG PH.
Mas mataas din ang tsansa ng AE na manaig kung active assassins ang ipapahawak kay Celiboy imbes na passive o heavy-farming jungler tulad ng Natan.
Bagamat si Celiboy ang main man ng defending MPLI champs, ‘di maikakaila na nagpapakitang-gilas din ang kanilang EXP laner na si I Ketut “Munsters” Rio Mahendra Putra, na inaasahang pumronta sa mga team fight para mas ligtas na makapasok at makapagbitaw ng damage si Celiboy at iba pa niyang mga kakampi.
Panoorin ang semifinals at grand finals sa huling araw ng MPLI 2021 sa Facebook page ng ONE Esports Philippines at YouTube channel ng ONE Esports.