Kung husay lamang sa midlane ang pag-uusapan, siguradong hindi mawawala sa listahan si AJ “Baloyskie” Baloy ng ONIC Philippines.
Malahalimaw ang kaniyang ipinakita sa nakaraang MPL PH Season 8, at sa pagsisimula ng kanilang kampanya patungo sa MPL Invitational 2021, kumpiyansa ang ONIC PH Coach na si Denver “Yeb” Miranda sa kaya pang ipakita ng kaniyang beteranong mdilaner.
Susi ang leadership ni Baloyskie sa MPLI 2021 ayon kay ONIC PH Coach Yeb

Positibo lamang na salita ang inihain ni ONIC PH Coach Yeb sa panayam kasama ang ONE Esports PH kung saan ibinahagi niya ang kaniyang saloobin tungkol sa kaniyang star player at ang kanilang magiging kampanya sa paparating na MPLI.
Nilinaw ng head coach na alam ni Baloyskie na nakasentro ang atensyon ng mga fans sa ipapakita niya sa international stage. Bagamat may kaakibat na pressure, kampante si ONIC PH Coach Yeb sa yumabong na ‘leadership skills’ ng bantog na pro.
“Isa sa mga pinakamagandang na-develop namin nung Season 8 is yung leadership ni Baloyskie, and I am very proud and happy for him,” banggit ng Coach.
“Alam kong magiging maayos lahat sa team pati mindset dahil kay Baloyskie,” dagdag pa niya.
Saloobin ni ONIC PH Coach Yeb sa posisyon ng kaniyang kupunan sa MPLI 2021

Tungkol naman sa kalagayan ng kaniyang team sa international na torneyo, sinabi ni ONIC PH Coach Yeb na hindi sila nagpapaapekto sa pressure na kaakibat nito.
“Katulad lang din sa MPL PH, may mga power rankings (na inilabas) and hindi kami naapektuhan doon, so wala siyang [sic] pressure,” ani ng beterano.
Tungkol naman sa usaping strategy at kung paano gagana ito laban sa mga kupunan galing sa ibang rehiyon, nilinaw ni Coach Yeb na wala silang nakapirming istratehiya.

Aniya, “Madami kaming dinidiscuss kung anong gagawin on every situation, at most of the time gagamitin lang namin yung napag-usapan na best gawin sa situation na yun and kung paano maging proactive maglaro.”
“PH and Indo yung nakikita ko (na malakas) pero siyempre Pinas ang mag-chachampion!” banggit pa niya.
Hiling ni ONIC PH Coach Yeb na sana raw ay maghiwa-hiwalay ang mga PH teams na lalahok para bigyang posibilidad ang pagkikita-kita sa semifinals.
“Let’s go PH numbawan!”