Kasabay ng kaliwa’t-kanang pagbabago sa mga team rosters bago magsimula ang MPL Philippines Season 9, isa ang ONIC Philippines sa mga koponang mananatiling buo sa pagbubukas ng bagong season.

Kasunod ito ng inilabas na anunsiyo sa Facebook kung saan inilahad ang ONIC PH roster na parehong lineup na nagpahanga sa Season 8 at bumalagbag sa upper bracket ng M3 World Championship.

Credit: ONIC Philippines

Kaugnay nito, may rason daw ang pananatiling solido ng kanilang lineup ayon kay ONIC PH Coach na si Denver “Yeb” Miranda.


Tiwala si Coach Yeb sa kalibre ng ONIC PH roster para sa S9

Credit: Moonton

Sa isang eksklusibong panayam kasama ang ONE Esports Philippines, binigyang linaw ni Coach Yeb ang katwiran sa pananatili ng kaniyang core lineup na sumabak para sa kaniya noong 2021.

Aniya, “Well, we have a solid foundation na and it’s still working both in S8 and M3. And I still believe in my players. Vise versa sila sa akin.”

Matatandaang ang koponan lamang ni Coach Yeb ang namumukod-tanging team na nakapagpadapa sa kalaunan na kampyon na Blacklist International noong Season 8.

Parehong gilas ang ipinamalas ng ONIC PH roster ni Coach Yeb sa M3 World Championship kung saan pinuksa nila ang lahat ng mga koponan sa upper bracket, bago matapos sa 1st runner up sa likod lamang ng Blacklist.

Credit: Moonton

Banggit din ng utak sa likod ng nausong Banana Split Strategy at Mid Money Strategy na nakadepende sa ipapakitang performance ng players at sa meta kung paaandarin niya ang lineup rotations/changes na naging simbolo ng kaniyang coaching noong Season 8.

“Lagi naman surprise kung magpapaikot ako. Abangan nalang nila kung kailan,” dagdag niya.

Tungkol naman sa tiyansa nilang makuha ang korona sa paparating na season, nanatiling mapagkumbaba ang beteranong coach bagamat paborito ang kaniyang koponan sa S9.

“Hindi ko mapre-predict kung ano ang mangyayari this Season 9 kasi lahat ng teams malalakas pero isa lang ang masasabi ko. Mas gigil pa lalo yung team na kuhanin ang kampyonato. God willing,” pagpapalawig ni Coach Yeb.

MPL PH Season 9 ONIC PH roster

Credit: ONIC Philippines
  • Allen “Baloyskie” Baloy
  • Nowee “Ryota” Macasa
  • Ian “Beemo” Sergio
  • Mico “Micophobia” Quitlong
  • Marky “Markyyyyy” Capacio
  • Gerald “Dlarskie” Trinchera
  • Jaylord “Hatred” Gonzales
  • Kairi “Kairi” Rayosdelsol

Sundan ang kampanya ng ONIC PH roster na ito sa MPL PH Season 9 sa pamamagitan ng pagsubaybay sa ONE Esports PH sa Facebook!

BASAHIN: Light bibida para sa RSG Philippines sa MPL PH Season 9