Kinuha ng RSG Philippines ang dating captain-tank/roamer ng TNC Pro Team na si Dylan “Light” Catipon para sa papalapit na Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Philippines Season 9.

Inanunsyo ito ng RSG PH sa pamamagitan ng isang social media post Miyerkules ng hapon.

Light ng RSG PH
Credit: RSG Philippines

“We consider Light (as) a strong and talented mechanical player. We believe that his addition to our roster will shine our path to the championship. He will be playing the Roaming position,” ani ng koponan sa pahayag.

(Kinokonsidera namin si Light bilang isang malakas at talentadong mechanical player. Naniniwala kami na iilawan ng kanyang pagpasok sa aming roster ang daan patungo sa kampeonato. Maglalaro siya sa roaming position.)

Sa pagpasok ng isang steady roamer na pwedeng maging kapalitan ni EJ “Heath” Esperanza, susubukan ng RSG PH na higitan ang kanilang 5th-6th place finish noong nakaraang season.


Ang kampanya ni Light sa MPL Philippines bago mapunta sa RSG PH

Credit: Work Auster Force/MPL Philippines

Dating kilala sa kanyang in-game name na Unravel, nakapasok si Light sa MPL Philippines kasama ang Work Auster Force noong Season 7 sa pamamagitan ng kanilang perpektong kampanya sa qualifiers.

Sunod na ginulat nila Light at Work ang mga miron matapos magtala ng panalo sa ilang beteranong koponan sa MPL PH regular season. Pinatumba ng Work ang Nexplay Esports sa lower bracket first round sa iskor na 3-1 bago mapatalsik ng noo’y defending champion na Bren Esports sa parehong series score.

Pagdating ng franchise-based na MPL Philippines Season 8, kinuha ng Pinoy esports giant na TNC Pro Team ang Work Auster Force.

Credit: Light

Sa kasamaang palad, naging malamya ang kampanya nila Light at TNC sa regular season at nagtapos sila sa huling pwesto ng eight-team standings kaya hindi nakapasok sa playoffs.

Sa ngayon, ang 19-year-old pro tubong Cavite pa lang ang inilahad na manlalaro ng RSG Philippines para sa MPL PH Season 9.

Kamakailan ay inanunsyo ng koponan na magpapahinga muna ang kanilang beteranong gold laner na si Joshwell Christian “Iy4knu” Manaog at Season 10 pa babalik.

Ang roster sa ngayon ng RSG Philippines

  • Jonard Cedrix “Demonkite” Caranto
  • Arvie “Aqua” Antonio
  • EJ “Heath” Esperanza
  • Nathanael “Nathzz” Estrologo
  • Kenneth Jianne “Kenji” Villa
  • Dexter “Exort” Martinez
  • Eman “EMANN” Sangco
  • Elyson “GHOST WRECKER” Caranza
  • Dylan “Light” Catipon
  • Brian “Panda” Lim (coach)

Subaybayan ang roster changes at announcements para sa darating MPL Philippines Season 9 sa pamamagitan ng pag-like sa ONE Esports Philippines sa Facebook.