Winalis ng Onic Philippines ang Nexplay EVOS, 2-0, sa huling laban ng Week 5 para agad na maka-bounce back sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Philippines Season 8.

Ibinaling ng Onic PH ang kanilang inis sa NXP EVOS matapos makalasap ng 0-2 sweep sa kamay ng Bren Esports noong Sabado ng gabi.

Ngunit hindi lang ‘yan ang dahilan ng koponan kaya gigil silang makakuha ng panalo sa pagtatapos ng linggo.


Onic Philippines gigil manalo dahil sa bashers

Credit: MPL Philippines
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

“Isa na rin po ‘yung nare-receive namin na pamba-bash tapos nasaktuhan po na-0-2 kami (ng Bren) kahapon kaya gigil na gigil po kami ngayon,” pag-amin ng rookie tank/roamer ng Onic Philippines na si Mico “Micophobia” Quitlong sa post-match interview.

Inulan ng iba’t-ibang komento at kritisismo ang Onic sa social media matapos ang pagkapanalo nila sa Smart Omega noong Biyernes dahil sa naganap na technical issue na tumagal nang mahigit sa dalawang oras.

Nagsagawa ng redraft sa Game 3 ng serye pagkatapos iulat ng Onic na nagkaroon ng posibleng bug sa kanilang ikatlong pick kung saan napili nila si Bane sa halip na Aulus.

Binigyang linaw ng MPL PH Operating Committee ang pangyayari kasabay ang paghingi ng paumanhin nito sa dalawang team maging sa fans ng liga.

May mensahe si Micophobia sa mga basher ng kanyang koponan.

“Para po sa lahat ng mga bashers, sana itigil niyo na po pamba-bash niyo dahil hindi po kasalanan ng players, ng coach pati ng management ‘yung mga nangyari noong nakaraan.”


Onic Philippines lumapit sa playoffs

Dahil sa kanilang panalo laban sa Nexplay EVOS, lalong hinigpitan ng Onic Philippines ang hawak nila sa No. 2 spot sa standings. Malapit na ring maiselyo ng boys in black and yellow ang kanilang playoff seat.

Ang NXP EVOS naman ay nalasap ang kanilang ikatlong sunod na pagkatalo at natengga sa No. 6.


I-follow ang Facebook page ng ONE Esports Philippines para sa mga istorya tungkol sa MPL PH Season 8.