Nagbigay ng paalala si Rivaldi “R7” Fatah ng RRQ Hoshi sa mga Indonesian nilang taga-suporta, partikular na yung mga umaatake sa mga Mobile Legends: Bang Bang teams ng Pilipinas.

Matapos magtagumpay ang kampeon ng MPL Indonesia Season 9 kontra EVOS Singapore sa MLBB Southeast Asia Cup 2022 (MSC 2022), ekslusibong nakapanayam ng ONE Esports ang kapitan ng koponan. Para raw sa kanya, malaking pagsubok ang ginagawang ito ng mga fans.

RRQ R7 may pakiusap sa Indonesian netizens na umaatake sa PH teams
Credit: ONE Esports

“The most challenging [part] is, I think, against netizen, against fans, because some Indonesian fans keep barking to the PH for nothing,” paliwanag ni R7.

(Ang pinakamahirap na parte, sa tingin ko, ay ‘yung mga netizen, ‘yung fans, kasi may ibang Indonesian fans na patuloy ang pag-atake sa PH nang wala namang dahilan.)

Ang mga insidente ng pag-atake sa mga PH MLBB teams

Noong mga nakalipas na international tournament, naging gawi na ng MPL Philippines at ilang Pinoy teams na mag-deactivate ng kanilang Instagram accounts tuwing nananalo, para maiwasan ang mass reporting.

Nagsimula ito matapos ma-suspend ang Instagram account ng Blacklist International noong MPL Invitational 2021, pagkapanalo nila kontra RRQ Hoshi. Ganun din ang nangyari sa account ng ONIC Philippines matapos nilang talunin ang parehong Indonesian team noong M3 World Championship.

RRQ R7 may pakiusap sa Indonesian netizens na umaatake sa PH teams
Credit: ONIC Philippines

Nang makamit naman ng SIBOL ang gintong medalya kontra pambato ng Indonesia noong 31st Southeast Asian Games, inanunsyo ng MPL Philippines sa opisyal nitong Facebook page na ide-deactivate muna nila ang kanilang Instagram account.

Nag-post din sa kanyang personal na Facebook page ang ONIC PH player na si Jaylord “Hatred” Gonzales noong parehong panahon matapos makatanggap ng mga mensahe sa mga ‘di niya kilalang tao.

RRQ R7 may pakiusap sa Indonesian netizens na umaatake sa PH teams
Credit: Jaylord Gonzales

“That’s a bit challenge for me, like, don’t make Indonesia country bad,” pakiusap ni R7.

(Pagsubok ito para sa akin, wag na sana nilang dungisan ang imahe ng Indonesia.)


Samantala, ipagpapatuloy naman nina R7 at RRQ Hoshi ang kanilang kampanya sa MSC 2022. Nakatakda nilang harapin ang pambato ng Malaysia na Todak sa upper bracket semifinal mamaya, sa ganap na ika-anim ng gabi.

Masusubaybayan ang mga laban sa mga sumusunod na official livestreams na matatagpuan dito.

Para naman sa mga karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Demonkite at Nathzz ibinahagi ang dahilan ng kanilang pagngiti habang naglalaro sa MSC 2022