Nagmistulang The Alberttt Show ang ika-apat at huling araw ng M3 World Championship group stages matapos magpakitang-gilasng naturang Jungler ng RRQ Hoshi.
Sa tatlong laban na sinabak ng kanyang koponan, kontra Team SMG, GX Squad, at RSG SG, nakapagtala si Albert “Alberttt” Neilsen Iskandar ng 39 na kills at 10 assists nang hindi namamatay. Kaakibat ng stats na ito ang dalawang Maniac at ang kauna-unahang savage sa M3.
Ang performance ni RRQ Alberttt sa Day 4 ng M3 group stage
Ginamit ng 17-taong-gulang na manlalaro sina Paquito, Aamon, at Roger para maitala ang mga nakakalulang numero.
Sa unang laban kontra Team SMG, ang kampeon ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Malaysia Season 8, iniskor ni RRQ Alberttt ang dalawang Maniac, ang pinakamarami sa M-series tournament. Siya rin ang nagtala sa 11 sa 16 na kabuuang kills ng kanyang koponan.

Halos parehong pangingibabaw, kung hindi mas matindi, ang pinaranas ng Balinese player kontra kinatawan ng Middle East na GX Squad. Ipinamalas kasi ni Alberttt ang kanyang Aamon na nagtala ng 14 kills para iselyo ang ikalawang panalo ng RRQ Hoshi sa loob lang ng 10 minuto.

At para sa huling laban ng MPL ID Season 8 runner-up sa group stage, muling kumana ng 14 kills at 100% kill participation ang naturang manlalaro. Dito niya rin nilista ang unang Savage ng turneo, at ikalawa para sa buong M-series. (Ang una ay ginawa ng Pinoy jungler na si Karl Gabriel “KarlTzy” Nepomuceno noong M2 World Championship gamit ang Lancelot.)

Napatunayan ng performances ng assassin specialist na hindi niya alintana kahit pa i-target ban ang kanyang hero pool, na binubuo rin nina Ling, Hayabusa, at Lancelot. Maaaring napapahusay pa nga siya nito nang husto dahil napapalawak lalo ang kanyang hero pool.
Sa tulong ni RRQ Alberttt, naselyo ng koponan ang upper bracket slot sa playoffs. Haharapin nila ang runner-up ng MPL MY Season 8 na Todak sa ika-12 ng Disyembre.

Sundan ang pinakahuling balita tungkol sa M3 World Championship sa pamamagitan ng pagsubaybay sa ONE Esports Philippines sa Facebook!
BASAHIN: Si OhMyV33nus daw ang Mobile Legends idol ni Lunna ng RED Canids