Kinailangan lamang ng RRQ Hoshi ng tatlong laro para pagulungin sa kangkungan ang Todak sa ikalawang round ng Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2022 (MSC 2022) upang maipagpatuloy ang kanilang kampanya sa upper bracket ng torneo.

Malinis na trinabaho ng King of Kings ang Malaysian team, 3-0, para itulak ang kalaban sa delikadong lower bracket. Taliwas ito sa inaasahan ng home crowd lalo pa’t nakakuha ng malaking momentum ang Todak sa unang round ng playoffs kung saan binigo nila ang topdog Smart Omega team.

Credit: ONE Esports

Sa post match interview, binigyang-linaw ng RRQ Hoshi midlaner na si Deden “Clayyy” Muhammad Nurhasan ang mga nakitang pagkukulang sa nakalabang team.


RRQ Clay: Nakuha ng team ang comfort picks

Sa isang panayam kasama ang media, ibinahagi ni RRQ Clay ang nakita niyang pagkakamali ng Malaysian team kung kaya’t nagawa nilang walisin ang koponan. Aniya, malaking rason dito ang drafting. “I think Todak’s mistake is that they gave us our comfort heroes. For example, I played Yve and Skylar got Beatrix.”

Credit: ONE Esports ID

Bukod sa picks pamatay na heroes nina RRQ Clay at Skylar, nagawa rin ng team na maselyo ang signature Franco ni Vynnn, ang madulas na Lancelot ni Albertttt at ang mala-alamat na Esmeralda ni R7.

Ukol naman sa upper bracket sweep, inamin ni RRQ Clay na hindi ito inaasahan ng team. “Actually, I didn’t expect to be able to beat Todak with a score of 3-0. Because in the last M3 match, we won 3-1,” paliwanag ng pro.

Hindi lamang RRQ ang nabigla sa resulta ng nasabing match. Nagulantang din ang mga miron lalo pa’t maraming sorpresa ang inihandog ng Todak sa gumugulong na playoffs. Sa group stage, nagawa nilang itabla ang serye kontra sa paboritong ONIC Esports, kasama na din ang pagpapadapa sa defending champions Smart Omega sa unang round ng playoffs.

Credit: ONE Esports ID

Dahil sa pagkatalo ng Todak, mapipiit sila sa isang lower bracket showdown kasama ang nagbabagang Falcon Esports na pinauwi ang RSG Singapore. Samantala, aabangan naman ng RRQ Hoshi sa upper bracket final ang mananalo sa RSG Philippines at Orange Esports.

Sundan ang pinakahuli sa MSC 2022 sa pamamagitan ng pagsunod sa ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Momo ng Todak may mensahe para kay Z4pnu: ‘Gawin na lang mas positibo ang atmosphere (sa MLBB pro scene)’