Mga hari muli ng Mobile Legends sa Indonesia ang RRQ Hoshi.
Ito ay matapos nilang patumbahin ang ONIC Esports sa grand finals, 4-1 para hiranging kampyon ng MPL ID S9 at epektibong ipaghiganti ang pagpurnada sa kanila ng karibal na team noong nakaraang season.

Bagamat limang laro lamang ang itinagal ng rubber match sa pagitan ng dalawang teams ay dekalibreng ML ang inilabas ng top 2 teams ng Indonesia na sila ring magiging kinatawan ng bansa para sa paparating na Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2022.
Binigo ng RRQ Hoshi ang ONIC para hiranging kampyon ng MPL ID S9

Matapos itumba ang ONIC sa upper bracket finals sa Day 3 ng playoffs, 3-2, dinala ng RRQ Hoshi ang kumpiyansang ito sa Grand Finals kung saan muling nagtapatan ang magkaribal na teams.
Dekalidad ang ipinakita ng grand finalists sa limang laro, partikular sa unang dalawang games na siyang nag-display ng dekalidad na ML na mayroon sa Indonesian eksena.
Parehong gigil ang magkalabang teams sa Games 1 at 2 na parehong tumagal ng lampas 20 minuto. Tampok ang gilas ng RRQ sa pagkontrol ng Lord objectives sa game 1 kung saan napitas nila ang kabuuan ng ONIC lineup sa ika-20th minute para ilista ang unang panalo ng serye.

Gayunpaman, agad na rumebanse ang ONIC sa Game 2 na itinabla ang serye gamit ang key pickoffs sa late game para pagulungin ang death push sa ika-25 minuto na walang kasamang Lord.
Dahil dito, lumabas ang tunay na bangis ng Kings of Kings sa magkakasunod na games 3 hanggang 5. Snowball kung snowball ang isinalang na atake ng RRQ sa Game 3 kung saan tinapos nila ang laro sa loob lamang ng 18 minuto.
Gayundin ang napanood ng mga miron sa Game 4, kung saan napugo ng maigi ang ONIC jungler na si Sanz at hindi na nagawang makabawi. Natapos ang laro na may 14-9 kill score pabor sa RRQ na nagbigay sa kanila ng commanding 3-1 lead.
Kung dominante ang dalawang magkasunod na laro ng kalaunan ay kampyon ng MPL ID S9, ay pinakamalinis na atake ang isinalang nila sa decisive game 5 kung saan ipinakita nila muli ang kontrol nila sa pagkuha ng Lord objective para pitasin ang mga miyembro ng Yellow Hedgehogs.

Nakuha ng RRQ ang Luminous Lord sa ika-14 minuto kasama pa ng apat na kills kontra ONIC na nagpagulong ng kanilang martsa sa base ng kalaban sa ika-15 para maging kampyon ng MPL ID S9.
Bukod sa pagkuha ng kaniyang unang championship, hinirang din na MVP of the Finals si RRQ Clay dahil sa kaniyang husay sa midlane.
RRQ Hoshi: Kampyon ng MPL ID S9, hari ng MLBB sa Indonesia

Matapos gapiin ang ONIC Esports, ipaghiganti ang kanilang Season 8 heartbreak, at hirangin bilang kampyon ng MPL ID S9, mas nagkaroon ng bigat ang pangalan ng RRQ Hoshi bilang pinakadominanteng franchise sa kasaysayan ng MPL ID.
Ito na ang ika-apat na tropeyo ng Kings of Kings sa pinakamalaking liga ng Mobile Legends sa bansa, kasunod ng kanilang titles noong Season 2, 5 at 6. Matapos itaas ang MPL gold, mas lalayo ang gap nila kontra sa EVOS Legends at ONIC Esports na parehong may tigalawang titles.
Sundan ang ONE Esports Philippines sa Facebook para masubaybayan ang mga koponan sa MPL!
BASAHIN: Petsa kung kailan maglalaro ang Indonesian MLBB team sa 2021 SEA Games, kasado na