Seseryosohin ng RRQ Hoshi ang paparating na MPL Indonesia Season 9 kahit pa ang magkakampeon dito ay hindi direktang maiimbitihan na sumali sa M4 World Championship.

Alam ng nakararami na ang mananalo sa season na ito ng MPL ID ay sasabak sa Mobile Legends Southeast Asia Cup (MSC), na bagamat isang malaking torneo ay hindi kasing-prestihiyoso ng M series.

Ito marahil ang dahilan kaya may mga manlalaro na nagdesisyong magpahinga muna sa MPL. Kabilang na rito ang respetadong duo na sina Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna at Danerie James “Wise” Del Rosario ng Blacklist International na kinoronahang kampeon sa M3.

Credit: OhMyV33nus

Pero salungat nito ang mentalidad ng “King of kings” sa ngayon. Bagamat wala pang desisyon kung sinu-sino ang bubuo ng kanilang kumpletong roster para sa MPL ID Season 9, kinumpirma ng management na seseryosohin nila ang season na ito.


Pak AP sinabing naghahanda na agad ang RRQ Hoshi para sa M4

Credit: RRQ AP Instagram

Sa ekslusibong panayam kasama ang ONE Esports, kinumpirma mismo ni CEO at co-founder Andrian Pauline o mas popular sa tawag na Pak AP na hindi magpapakampante ang RRQ Hoshi sa nalalapit na MPL ID Season 9.

Idiniin ni Pak AP na para masiguro nilang makakapasok sila sa M4, kailangan nilang maghanda ngayon pa lang.

“We will be serious. I think this is the right timing to prepare the squad for MPL ID Season 10 (Magiging seryoso kami. Sa tingin ko ito ang tamang oras para ihanda ang koponan sa MPL ID Season 10),” ani Pak AP.

“If we talk about the M4, the start will start from now. Both in terms of preparing the team, chemistry, and more (Kung pag-uusapan naman natin ang preparasyon para sa M4, ang simula nito ay ngayon na),” dagdag pa niya.

Credit: Moonton

Sa madaling salita, aasamin ulit ng RRQ Hoshi na maging pinakamagaling na koponan sa MPL ID matapos pumalya sa nakalipas na dalawang season na pinagharian ng EVOS Legends at ONIC Esports.

Nakakasabik ding abangan kung magkakaroon ba ng malaking pagbabago sa roster ng RRQ Hoshi at kung sinu-sino nga ba ang maglalaro sa Season 9.

Subaybayan ang mga pangyayari sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.


Hango ito sa orihinal na akdang matatagpuan sa ONE Esports ID.