Naging susi sina Rivaldi “R7” Fatah at Albert “Alberttt” Neilsen sa tagumpay ng RRQ Hoshi kontra RSG Philippines sa upper bracket final ng Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2022 (MSC 2022).
Tinalo ng “Kings of Kings” ang “Kingslayers” sa iskor na 3-1 para makapasok sa grand final ng turneo. Gayunpaman, papuri pa rin ang maiaalay nina R7 at Alberttt sa mga manlalaro ng Pilipinas, partikular na ang mga katapat nilang sina Nathanael “Nathzz” Estrologo at Jonard Cedrix “Demonkite” Caranto.
RRQ Hoshi R7 at Alberttt hanga kina Nathzz at Demonkite

Bago makaharap ng Radiers ang RRQ Hoshi, nauna nang sabihin ni Demonkite na pinaghandaan na ng kanilang koponan ang kampeon ng MPL Indonesia at inaabangan din niya ang paghaharap nila ni Alberttt.
“We know that Alberttt is a good player and also one of the top-tier junglers in MLBB,” ani Demonkite.
(Alam naman nating magaling si Alberttt at isa siya sa pinakamahuhusay na junglers sa MLBB.)
Sa unang mapa ng serye, gumamit ang Pinoy na jungler ng Ling, isa sa mga signature heroes ni Alberttt. Bagamat nauwi ito sa pagkatalo ng RSG PH, aprub pa rin ng Indonesian ang naging performance ni Demonkite.
Kung ire-rate daw ng RRQ jungler ang Ling ni Demonkite, bibigyan niya raw ito ng nine-out-of-10. Madalas naman daw kasi nilang maka-scrim ang mga ito kaya’t alam niyang magaling talagang mag-Ling ang 19-taong-gulang na Pinoy.

Nang hingan naman ng kumento si R7 tungkol sa ipinamalas ni Nathzz sa kanilang serye, sinaluduhan ng kapitang ng RRQ Hoshi ang mabilis na paggaling ng manlalaro, lalo na’t ito pa lang ang ikalawang season niya bilang isang professional player.
“Nathzz, I think have a good micro and macro. I can see he grows so fast, and I’m happy to matchup with Nathzz,” sagot ni R7.
(Magaling ang micro at macro skills ni Nathzz. Nakikita ko na mabilis siyang matuto at masaya ako na nakalaro ko siya.)
Samantala, naghihintay naman ngayon sa lower bracket finals ang RSG PH. Kakalabanin nila ang mananalo sa pagitan ng Falcon Esports at Smart Omega para sa natitirang spot sa grand final.
Masusubaybayan ang mga laban sa MSC 2022 sa mga sumusunod na official livestreams na matatagpuan dito.
Para naman sa mga karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: E2MAX ipinaliwanag ang gigil ni Kelra matapos sipain ang Orange Esports mula sa MSC 2022