Nakilala na ang anim na koponang bubuo sa playoffs ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 9 matapos ang walong linggo ng regular season.

Ngayon, nasa kamay na ng RSG PH at ECHO ang pagkakahara-harap ng mga koponan papasok sa playoffs dahil sa bagong MPL PH playoffs format na inilatag bago magsimula ang gumugulong na season.


Ang bagong MPL PH playoffs format

RSG PH at ECHO ang magdidikta sa matchups dahil sa bagong MPL PH playoffs format

Ayon sa 2.3.3.1.1 at 2.3.3.1.2 ng official ruleset ng liga, ang top seed ang magpapasya ng placement sa playoff bracket ng mga koponang nagtapos sa top three at four, habang ang third seed naman ang magdidikta sa placement ng mga nasa top five at six.

Ibig sabihin, dahil RSG PH ang nanguna sa regular season, mamimili sila sa pagitan ng ECHO o Nexplay EVOS ang magkakaroon ng tsansa na makaharap sila sa ikalawang round ng upper bracket.

Sa kabilang banda, ECHO naman ang mamimili kung sino sa pagitan ng Smart Omega at ONIC Philippines ang makakaharap nila sa unang round ng playoffs.

Sa isang panayam kasama ang ONE Esports Philippines, nauna nang ipinaliwanag ng Esports Operation Executive ng Moonton na si Joy “Uncle Joy/Hymnrael” Calulo ang nagtulak sa pagbabagong ito.

RSG PH at ECHO ang magdidikta sa matchups dahil sa bagong MPL PH playoffs format
Credit: MPL Philippines

“It actually gives teams more reason to fight for the 3rd spot. The reason for the change is the position is staggered now, and there is more incentive to actually get a higher seed. All seeds who are a bit higher, matter,” ani ni Uncle Joy.

Sa ngayon, ilalathala pa ng MPL Philippines ang opisyal na playoff bracket ayon sa bagong MPL PH playoffs format. Nakatakda namang ganapin ang MPL PH Season 9 playoffs simula sa ika-28 ng Abril hanggang sa ika-isa ng Mayo.


Para sa karagdagang balita, guides, at features tungkol sa MLBB at MPL Philippines, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: ₱3.8 milyon tampok sa MPL PH Season 9 playoffs prize pool