Hindi itinago ng reigning Most Valuable Player na si Dylan “Light” Catipon na dambulahang pressure ang kahaharapin ng RSG Philippines sa paparating na MPL Philippines Season 10.
Ibininahagi ito ni Light ng kapanayamin siya ng media tungkol sa preparasyon ng koponan papunta sa kanilang tangkang title-defense sa gugulong na season.
Light: ‘Maraming nage-expect na umangat pa kami at makapag-perform sa MPL’

Sa naturang panayam, idinitalye ng RSG PH roamer ang paghahandang ginagawa ng koponan bago magsimula ang milestone season ng MPL. Aniya, mas doble raw ang preparasyon ng koponan lalo pa’t sila ang tinitignan ng mga teams sa liga matapos iuwi ang kampeonato noong nakaraang season, at kamakailan, ang MSC 2022 titulo.
“10 times ang pressure since champion, maraming nage-expect na umangat pa kami at makapagperform sa MPL,” sabi ng 19-anyos na pro.
Bagamat malaki ang inaasahan ng mga miron sa gagawin ng RSG PH sa Season 10, tiwala si Light sa kumpiyansang natamo ng team sa kanilang kampanya sa international stage.

Pag-aamin ng pro, “Yung confidence na na-gain namin knowing na natalo kami sa RRQ noon and nag-bounce back kami, napatunayan namin na kaya namin manalo internationally, hindi lang sa Pilipinas.”
Ngayong manunumbalik sila sa paglalaro sa ‘Pinas, naniniwala ang tubong Naic, Cavite na malaking tulong ito para panatilihing buo ang dibdib ng kaniyang mga kasamahan lalo pa’t mas mapanganib na teams ang makakaharap nila.

Sisindihan ni Light at ng kaniyang RSG PH ang Season 10 sa isang grand finals rematch kaharap ang makamandag na Smart Omega sa August 12, alas-sais ng gabi.
Manatiling nakasubaybay sa mga kaganapan sa MPL sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines.
BASAHIN: MPL PH Season 10: Kumpletong roster ng walong koponan