Kamakailan ay inanunsyo ang Blacklist International roster para sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10), kung saan nagbabalik mula sa kanilang break ang duo nina Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna at Danerie James “Wise” Del Rosario. Maganda itong balita para sa team at mga fans na nagnanais na mabawi ng team ang titulo sa bagong season.
Base sa anunsyo, narito ang mga players na bubuo ng roster para sa parating na season:
- Salic “Hadji” Imam
- Kiel Calvin “OHEB” Soriano
- Danerie James “Wise” Del Rosario
- Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna
- Edward Jay “EDWARD” Dapadap
- Mark Jayson “ESON” Gerardo
- Kent Xavier “Kevier” Lopez
- Dexter Louise “DEX STAR” Alaba
- Kristoffer Ed “BON CHAN” Ricaplaza (Coach)
- Aniel “Master the Basics” Jiandani (Assistant Coach)
Sa madaling salita, ang mga players na naghatid sa Blacklist papunta sa kampeonato ng MPL PH Season 8 at M3 World Championship ay muling nagsama-sama. Malaki ang pag-asa na muling makabangon ang team mula sa pagkakalugmok noong Season 9, at bawiin ang korona.

Subalit kung titignan ang lineup ng mga players na inhayag ng Blacklist para sa kanilang roster sa parating na season, hindi maiiwasang mabuo ang ilang mga katanungan mula sa mga fans.
Isa sa pinakamalaking tanong ay ang dahilan kung bakit hindi isinama ng Blacklist ang tatlong players na tumulong sa organisasyon upang mabuo ang SIBOL MLBB national team na matagumpay na sumungkit ng gold medal sa 31st Southeast Asian Games, sina Lee Howard “Owl” Gonzales, Kyle Dominic “Dominic” Soto, at Russel Aaron “Eyon” Usi.
Lalo na para kina Owl at Dominic na naging mainstays ng Philippine national team sa SEA Games, katangi-tangi ang kanilang ipinakita na talaga namang gumulat sa mga fans at mga katunggali, dahil nagmula sila sa pagiging mga amateur players sa competitive scene.
BON CHAN ipinaliwanag kung bakit hindi kasali ang 3 SIBOL stars sa Blacklist International roster

Bilang coach, ibinahagi ni BON CHAN ang dahilan ng hindi pagkakasali nina Owl, Dominic, at Eyon sa kanilang MPL PH S10 roster. Hindi naging madali ang desisyong ito para sa organisasyon ngunit ginawa nila ito para sa ikabubuti ng tatlong players.
“Mabigat din para sa amin yung desisyon na ‘yun dahil alam natin na yung main five, para sa akin, sila yung the best of the best sa kani-kanilang roles,” sabi ni BON CHAN. “So ayoko na masayang yung talent nung SIBOL boys na nasa reserve lang,” dagdag pa niya.
Hindi man direktang sinabi, ngunit inamin ni BON CHAN na gusto niyang isama sina Owl, Dominic, at Eyon para maging bahagi ng Blacklist roster sa Season 10. Ngunit mas pinili niya na isama sina Kevier at ESON, sa kabila ng hindi masyadong magandang performance nito nung nakaraang season.
Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
Ang kathang ito ay isang pagsasalin mula sa orihinal na akda.