Kilala na ang makakalaban ng defending champion na Sibol Mobile Legends: Bang Bang national team (Sibol MLBB) sa group stage ng naturang event sa 31st Southeast Asian Games na gumugulong ngayon sa Hanoi, Vietnam.

Ito’y matapos ganapin ang official draw nitong Miyerkules upang matukoy ang mga koponang magtatapat-tapat sa dalawang grupo.


Makakaharap ng Sibol MLBB ang Malaysia, Myanmar at Laos sa group stage

Sibol MLBB na binubuo ng Blacklist International
Credit: Blacklist International

Nabunot ang Sibol MLBB squad, na binubuo ng M3 world champion team at back-to-back MPL Philippines winner Blacklist International, sa Group A kung saan makakasagupa nila ang Malaysia, Myanmar at Laos.

Nakikitang mabigat na makakalaban nila ang Malaysia na nakakuha ng bronze medal sa nakaraang SEA Games at nirerepresenta ngayon ng MPL MY Season 9 champion Todak. Itinuturing din magsilbing lason ang Myanmar dahil sa runner-up finish ng Burmese Ghouls sa M2 World Championship.

Ang Laos naman ay binubuo ng Nightmare Esports na nagwagi sa kanilang national selection at nakapasok sa Mobile Legends Southeast Asia Cup (MSC) 2022 sa pamamagitan ng Mekong Qualifier.

Credit: PBESI

Samantala, nasa Group B naman ang sinasabing pinakamabigat na katunggali ng Sibol MLBB sa gintong medalya na Indonesia at dalawang koponan lang ang kakalabanin nila sa unang bahagi ng kompetisyon.

Kasama ng Indonesian MLBB team na binubuo ng RRQ Hoshi, ONIC Esports at EVOS Legends stars ang host Vietnam (kinakatawan ng Cyber EXE) at Singapore (EVOS SG at Team Flash).


Ang Sibol MLBB roster para sa SEA Games

Ibabandera ng M3 world champ Blacklist International ang Sibol MLBB sa SEA Games matapos nilang dominahin ang ginanap na national team selection noong Enero.

  • Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna
  • Danerie James “Wise” Del Rosario
  • Salic “Hadji” Imam
  • Kyle “Dominic” Soto
  • Lee Howard “Owl” Gonzales
  • Dexter “DEX STAR” Alaba
  • Russel “Eyonz” Usi
  • Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza (coach)
  • Aniel “Master the Basics” Jiandani (coach)

Susubukan ng kasalukuyang MLBB national squad na madepensahan ang trono sa SEA Games na nakuha noong 2019.


Maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para manatiling updated sa kampanya ng Sibol national esports team sa SEA Games.