Inihayag ng pinakabagong adisyon sa Hall of Legends ng MPL Philippines na si Edward “EDWARD” Dapadap kung sinong mga pro ang sa tingin niya ay karapat-dapat mapabilang sa prestihiyosong hanay.

Matapos makuha ang parangal, hindi nagpaligoy-ligoy ang Blacklist International EXP laner na banggitin ang pangalan ng kapwa niya M3 World Champion na si Salic “Hadji” Imam bilang isa sa mga pro player na nararapat mahalal sa bersyon ng hall of fame ng liga.

Credit: Blacklist International

“Mula Season 2, consistent din si Hadji. Paiba-iba lang siya ng role pero nandoon pa rin ang consistent plays niya kahit anong role ang gamitin niya. Mapa-Jungle, Mid Lane, o Tank,” kuwento ni EDWARD.

Ani pa nga ni Agent Zero, si Hadji daw ang nakatanggap ng kaniyang boto sa gumulong na nomination period.


Coach BON CHAN at Dex Star nararapat din daw mapabilang sa HoL ayon kay EDWARD

Bukod kay Hadji, ang Blacklist coaches niya na sina Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza at Dexter “Dex Star” Alaba ay deserving din daw na mabigyan ng puwesto sa Hall of Legends ani ng 19-anyos na pro.

Credit: Moonton

Sambit niya “Sa coaches, si Dex Star o si Coach BON. Kasama ko sila sa boot camp, nakikita ko iyong mga hirap nila, ‘yung puyat, pagod,”

“Sa professional scene kasi, [madalas] ang performance ng players ang tinitignan. Hindi nakikita yung preparation [ng mga coach]. Hindi nila nakikita kung paano kami sumabak sa match,” dagdag niya.

Bago si EDWARD, naparangalan na ang kapwa niya Blacklist International pros na sina Jonmar “OhMyV33NUS” Villaluna at Danerie “Wise” Del Rosario bago gumulong ang grand finals ng MPL PH Season 10.

I-like at i-follow ang Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: Kumpletong listahan ng mga Hall of Legends inductees ng MPL PH