Smart Omega ang maituturong salarin sa maagang pagkakatapos ng kampanya ng ECHO noong dalawang nakaraang season ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH).
Kaya’t nang muling magharap ang dalawang koponan sa ikalawang linggo ng MPL PH Season 10, naglabas ng bagong variant ng lineup ang ECHO para sana simulan ang pagbawi sa makamandag na koponan nina Patrick “E2MAX” Caidic.
Muling tumapak sa entablado ng liga ang beteranong si Jaypee “Jaypee” Dela Cruz bilang roamer. Inalalayan niya sina Jhonville “OUTPLAYED” Villar at Mark Justine “Zaida” Palma na bumida sa gold lane at jungle sa unang pagkakataon bilang mga miyembro ng tinaguriang Super Team.

Pero matapos ang dikdikang serye na umabot sa ikatlong mapa, napatunayang hindi pa nahahanap ng ECHO ang lunas sa lason ng Smart Omega.
Smart Omega ni-reverse sweep ang bagong lineup ng ECHO

Kapansin-pansin ang disiplinang ipinakita ng bagong lineup ng ECHO sa unang mapa ng serye. Taliwas ito sa imaheng naitas sa koponang kilala sa pagiging agresibo. Sa katunayan, nauwi lang sa siyam na kills ang game one na tumagal ng 14 na minuto.
Agad namang nakapag-react ang Smart Omega sa galawang ito ng kanilang kalaban. Pumili si Coach Jomie “P4kbet” Abalos ng mga hero na pang bakbakan para sa kanilang draft sa ikalawang mapa, gaya na lang ng Thamuz ni Dean “Raizen” Sumagui, Faramis ni E2MAX, at Claude ni Duane “Kelra” Pillas.
Napatunayan ng bersyon ng ECHO na pinangungunahan ni Jaypee na kaya rin nila maging agresibo sa larong ito. Kaso nga lang, dahil sa Luminous Lord na naselyo ni Raizen noong ika-22 minuto ng laban, bigo silang masarado ang serye.

Nabigyan nito ang Smart Omega na patapangin pa ang kanilang kamandag pagpasok sa ikatlong mapa. Kahit pa dikit ang laban salamat na rin sa magandang numerong naitala ng Karina ni Zaida, bigong pigilan ng ECHO ang pagmartsa ng Omega sa kanilang base bandang 17-minuto ng bakbakan kasama ang Lord.
Bukas, ika-21 ng Agosto, ang susunod na laban ng Smart Omega kontra TNC Pro Team na nakatakda pa ring iselyo ang una nilang panalo. Gaganapin ito sa ganap na ikawalo ng gabi.
Masusubaybayan ang mga laban sa opisyal na YouTube at Facebook pages ng MPL Philippines.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: Ang bentahe ni Kenji bilang EXP laner para sa RSG PH ngayong MPL PH S10