Magpapahinga na rin muna sa susunod na season ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) ang beteranong si Adrian “Toshi” Bacallo ng TNC Pro Team.
Noong ika-21 ng Nobyembre ng nakaraang taon, inanunsyo ng TNC Pro Team ang paglisan ni Toshi sa koponan kasabay nina Frediemar “3MarTzy” Serafico, na lumipat sa ECHO, at Landher “Der” San Gabriel, na ngayon ay wala pa ring team.

Bago sumapit ang deadline ng pag-anunsyo ng mga team roster para sa MPL PH Season 9, opisyal nang ipinaalam ng manlalaro sa publiko na siya ay magpapahinga muna at hindi sasali sa susunod na season.
Ang kampanya ni Toshi sa MPL PH

Unang sumabak sa liga si Toshi noong ika-apat na season sa ilalim ng SGD Omega.
Sa kahabaan ng kanyang karera, nanatili sa ilalim ng organisasyon ang Gold Laner. Noong ika-anim na season niya naka-amit ang pinakamataas niyang placing matapos ma-uwi sa ikalawang puwesto ang kampanya ng Smart Omega.
Dahil dito, sila at ang Bren Esports ang naging kinatawan ng Pilipinas noong M2 World Championship. Nagtapos sa 5th-6th place ang kampanya ng Smart Omega noon habang nag-champion naman ang Bren.
Nanatili sa hanay ng Omega ang 20-taong-gulang na manlalaro noong Season 7 bago lumipat sa TNC Pro Team nang maging franchise-based ang liga noong Season 8. Sa kasamaang palad, hindi naging matagumpay ang kanyang pananatili sa bagong koponan.
Samantala, inaabangan pa kung sino-sinong mga manlalaro ang kukumpleto sa bagong roster ng TNC Pro Team para sa MPL PH Season 9.