Hangad umano ni Tier One Entertainment co-founder and CEO Tryke Gutierrez na magsilbing magandang ehemplo ang M3 world champion na Blacklist International sa mga batang manlalaro.
Ani ni Tryke, misyon nila na magdala ng pagbabago sa esports scene kaya todo ang pagsuporta nila sa kanilang koponan na Blacklist International at patuloy itong susuportahan sa mga susunod pang taon.

“Sa mga susunod pa na taon, ang best lang talaga na magagawa namin is ‘yung sa suporta kasi hindi mo naman talaga malalaman kung sino ‘yung mananalo or matatalo lagi diba? We just want to support as much as possible ‘yung players namin and hopefully become a really good example for esports,” sabi ni Tryke matapos talunin ng Blacklist ang ONIC PH sa grand finals ng M3 World Championship.
“Kasi ‘yun na rin naman ‘yung gusto naming magawa, to change esports by becoming a good voice of kids nowadays kasi marami nang naaano sa mga toxicity and all pero kami, we want to be the change that we want to be in esports. ‘Yun lang siguro talaga,” dagdag pa niya.
Tryke binigyang papuri sila coach BON CHAN at OhMyV33nus

Nagagalak si Tryke na malayo na ang narating ng kanilang Blacklist International MLBB squad mula nang binuo nila ito noong Enero ng nakaraang taon.
Bago pa nila makamit ang world championship, nagkampeon na rin nang dalawang magkasunod na beses ang Blacklist sa MPL Philippines at nakakuha ng runner-up finishes sa Mobile Legends Southeast Asia Cup (MSC) 2021 at ONE Esports MPL Invitational 2021.
Sinabi niya na hindi magiging posible ang matatamis na tagumpay ng koponan kung hindi dahil sa mga utak sa likod nito, partikular na sila coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza na nasa Blacklist na mula pa nang mabuo ito, at captain-support Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna na pumasok naman sa koponan noong Nobyembre 2020.
“To be honest, when we started Blacklist a year ago, wala naman masyadong expectations eh. Sobrang happy nga kami na nakarating ‘yung jogger pants namin sa M2 eh. So parang ngayon sa M3, after winning two championships (sa MPL Philippines) and then ito, for me, the credit really goes to the leadership of the team, OhMyV33nus definitely tsaka si BON CHAN.”
“‘Di niyo nakikita kung gaano karaming arguments sa gabi, sobrang daming sleepless nights na nangyayari talaga behind the scenes kasi some people just see the highlights but what they don’t know is the amount of effort na ginagawa nila araw-araw to make sure that they continuously win. So for us, super proud kami sa Tier One na you are our team, that we are the world champions and this is for the Philippines and esports.”
Pinasalamatan din ni Tryke ang mga pioneer ng MLBB scene sa Pilipinas

Nagpasalamat din si Tryke sa mga organisasyon at mga maimpluwensiyang tao na nagbuhos ng oras at pagod para palakihin ang Mobile Legends scene sa bansa. Kabilang na rito ang M2 world champion na Bren Esports at ang MLBB personality na si Setsuna “Dogie” Ignacio.
“Gusto ko lang din pasalamatan ‘yung lahat ng nagsimula ng eksena na ‘to especially sa Bren Esports, kila Dogie, sa lahat ng mga nauna. Kasi kumbaga kung hindi naman sila nauna hindi magiging ganito kalaki yung eksena.”
“We came in a little bit later pero siyempre we did our best to make sure that we can support the scene as much as possible. And sobrang thankful lang talaga kami na umabot kami sa ganitong point.”
Para sa mga update tungkol sa Mobile Legends: Bang Bang, maaari niyong i-like ang Facebook page ng ONE Esports Philippines.
BASAHIN: OHEB hinirang na M3 Grand Finals MVP