Nalusutan ng ECHO ang ONIC PH salamat sa pagpapakitang-gilas ng Wanwan ni Benedict “Bennyqt” Gonzales noong ikatlong mapa ng best-of-three serye sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10).

Nakaporma na sana ang bagong ONIC PH para pitasin ang ikalawang-sunod na panalo nila sa liga. Mabuti na lang para sa ECHO, napanindigan ng Wanwan ni Bennyqt ang pagiging ‘super’ nila para maisalba ang serye.

Wanwan ni Bennyqt naminsala para malusutan ng ECHO ang ONIC PH

Wanwan ni Bennyqt lumipad para maungusan ng ECHO ang ONIC PH
Credit: MPL Philippines

Nagsalitan ng pagpapakitang-gilas ang mga rookie midlaner ng parehong koponan noong unang dalawang mapa ng serye. Walang naka-abot sa Xavier ni Alston “Sanji” Placibo noong game one, pero sinagot naman ito ng Faramis ni Frince Miguel “SUPER FRINCE” Ramirez noong game two.

Pagpasok ng ikatlo at huling mapa, natagpuan ng ECHO ang kanilang mga sarili na bahagyang kontralado ng ONIC PH. Apat na libong gold lead ang hawak ng mga Hedgehog noong ikawalong minuto ng bakbakan, hanggat sa sinimulan itong baliktarin ng Wanwan ni Bennyqt sa pamamagitan ng isang crucial na Triple Kill.

Wanwan ni Bennyqt lumipad para maungusan ng ECHO ang ONIC PH
Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Simula nito, hindi na nadagdagan ang unang dalawang death na natamo ng gold laner. Kahit sa mga pagkakataong nakukuha ng kanilang kalaban ang objective, isang pindot lang ni Bagyong Benny sa kanyang Crossbow of Tang ay tiyak na may malulusaw mula sa tropa ng ONIC PH.

Matapos ang isa pang Triple Kill bandang 13-minuto ng bakbakan at dalawa pang kills para maselyo ang Legendary streak, tanging ang base na lang ng ONIC PH ang natirang target para sa Wanwan ni Bennyqt.

Walang-dudang inihandog sa Caviteño ang MVP ng naturang mapa. Bukod kasi na sa kanya sumandal ang ECHO para makuha ang panalo, siya rin ang nakapagtala ng game-high eight kills na sinamahan ng limang assists at 63,869 damage dealt.

Wanwan ni Bennyqt lumipad para maungusan ng ECHO ang ONIC PH
Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Nakatakdang sumabak muli ang ECHO sa Biyernes, ika-19 ng Agosto, kontra BREN Esports, na kakagaling lang mula sa panalo kontra TNC Pro Team. Masusubaybayan ang mga laban sa opisyal na YouTube at Facebook pages ng MPL Philippines.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Coach Duckey inilahad ang metikulosong proseso ng BREN sa pagpili ng playing roster sa MPL PH S10