Patuloy pa rin ang pangingibabaw ng DRX sa kanilang rehiyon. Hindi pa rin nadudungisan ang kanilang record matapos magtala ng limang sunod-sunod na panalo sa group stage ng VCT Korea Stage 2 Challengers.

Pero ang mas malupit dito ay nagawa nila ang lahat nang ito nang hindi gumagamit masyado ng Jett.

Imbes, gumagamit ang koponan ng bago at mas kakaibang agent composition sa kanilang kampanya sa Stage 2. Si Chamber ang nagsisilbi bilang most-selected agent ng DRX pati na rin ang primary fragger nila. Pinipili rin nila minsan ang Neon pang-entry sa Bind at Split.

Bukod dito, sila rin ang nagpauso ng triple initiator lineup sa Ascent at Breeze kaya naman kinikilala sila ngayon sa galing nilang gumamit ng utility pati na rin sa kanilang coordination.

‘Di kailangan ng DRX ng Jett para mang durog sa VCT Korea Stage 2 Challengers group stage

Dinudurog ng DRX ang VCT Korea Stage 2 Challengers nang hindi umaasa ng Jett
Credit: Riot Games

Malaking bahagi si Chamber sa tinatamasang tagumpay ng DRX ngayon sa VCT Korea Stage 2. Napili na nila ang nasabing sentinel sa lahat ng mapa, pwera na lang sa Haven.

Sa Haven lang gumamit ng Jett ang koponan nang harapin nila ang Maru Gaming at nauwi ito sa kanilang pagkapanalo sa iskor na 13-4.

Ibang klase gumamit ng Chamber si Yu “BuZz” Byung-chul. Siya ang may pinakamataas na average kill-death ratio (1.59) at kills-per-round (0.94) sa group stage, ayon sa vlr.gg.

Wala ring naisagot ang World Game Star sa triple initiator composition ng DRX sa Breeze nang magbakbakan ang dalawa noong Week 2 ng turneo.

Sa tulong ng mga ability nina Sova, Skye, at KAY/O, madaling nakalakap ng impormasyon sina BuZz patungkol sa kinalalagyan ng kanilang mga kalaban para makapagtanim sa A site.



Sa Bind kontra WGS, gumamit ang DRX ng Neon para pang-entry, imbes na Raze. Madaling nakapag-sprint sa B site si Goo “Rb” Sang-min, salamat na rin sa sabay-sabay na paggamit ng kanyang mga kakampi ng utilities para ma-blind at maharangan ang sightlines ng kanilang kalaban.



Ascent ang most-picked map ng DRX sa ngayon sa VCT Korea Stage 2 Challengers group stage. Dito rin nila madalas gamitin ang triple initiator lineup na binubuo nina Sova, Fade, at KAY/O. Kapansin-pansin din na hindi gumagamit ng duelist ang koponan sa composition na ito, gaya ng ginagawa nila sa Breeze.

Pero hindi ibig sabihin nito na hindi nage-enjoy ang koponan bilang attackers. Sa Bind at Split, madalas silang magpamalakas ng agresibo at mabilis na playstyle sa tulong ng Neon ni Rb.

Hindi pa nakakapaglabas ng agent composition ang DRX sa Icebox at Fracture sa ngayon sa group stage. Madalas kasing i-ban ng nakakalaban nila ang Icebox habang hindi naman pinipili ng DRX ang Fracture.

Hindi pa rin natatalo kahit isang mapa sina BuZz sa Stage 2. May dalawa pa silang natitirang laban, una kontra CNJ Esports sa ika-11 ng Hunyo, at ang huli ay kontra Spear Gaming sa ika-13 ng Hunyo.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

Ito ay pagsasalin sa Filipino mula sa orihinal na akda na matatagpuan dito.

BASAHIN: ‘Di raw kasing husay ng Paper Rex ang NA teams na gumagaya sa kanila, ani mCe ng The Guard