Bukas sa oportunidad na magrepresenta ng ibang koponan si Kim “Lakia” Jong-min ng Korean esports organization na DRX Vision Stikers (VS) sa papalapit na Valorant Champions Tour (VCT) 2022 season.
Inanunsyo ito ng Vision Strikers sa kanilang Twitter account at maging si Lakia ay kinumpirma ito sa pamamagitan ng isang tweet.
Bahagi si Lakia ng six-man roster strategy ng Vision Strikers kung saan na-sideline siya sa karamihan ng international VCT tournaments na ginanap sa dulo ng 2021 season.
Lakia nilagay sa inactive roster ng DRX Vision Strikers

Bumalik si Lakia sa Vision Strikers noong ikalawa ng Hulyo 2021 matapos niyang lisanin ang NUTURN Gaming bago ang VCT Korea Stage 3 Challengers.
Nilaro ng VS ang natitirang kompetisyon sa 2021 season gamit ang six-man roster nito kung saan nagpapalitan sila Lakia at Lee “k1Ng” Seung-won depende sa mapa.
Maganda naman ang naging resulta ng six-man roster strategy sa Korean region dahil natulungan nito na mapasok ang VS sa Masters Berlin sa pamamagitan ng pagpapatuma sa F4Q sa VCT Korea Stage 3 Challengers Playoffs.
Solido rin ang natatanging stratehiya ng Vision Strikers sa Masters Berlin matapos nilang talunin ang Paper Rex at Acend, 2-0, sa group stage. Nagtapos sila sa 5th-8th place nang matalo sila ng eventual champion na Gambit Esports sa quarterfinals, 2-1.
Subalit nahirapan ang Korean squad na gumawa ng parehong resulta pagdating ng Valorant Champions 2021 kung saan nakakuha sila ng 9th-12th place finish. Nahinto ang kampanya ng Vision Strikers matapos bumagsak sa kamay ng Fnatic at Cloud9 sa group stage pa lamang.
Kamakailan lang, napagdesisyunan ng VS na i-rework ang lineup nito ngayong VCT offseason. Ni-loan nila si k1ng sa Esports Connected at pinabalik si Kim “zest” Gi-seok matapos ang kanyang mahabang leave of absence sanhi ng problema sa kalusugan.
Matapos i-acquire ng Korean esports organization na DRX ang Vision Strikers noong ikapito ng Enero 2022, inanunsyo ng koponan ang paglagay kay Lakia sa inactive roster.
Ang kasalukuyang Valorant roster ng DRX Vision Strikers

- Kim “stax” Gu-taek
- Goo “Rb” Sang-min
- Kim “Zest” Gi-seok
- Yu “BuZz” Byung-chul
- Kim “MaKo” Myeong-kwan
- Pyeon “termi” Seon-ho (Head coach)
- Kwon “Argency” Soon-woo (Coach)
- Kim “glow” Min-soo (Coach)
Sasabak ang DRX Vision Strikers sa VCT 2022 season na nakatakdang idaos sa bandang katapusan ng Enero. Hindi pa sigurado kung patuloy na gagamitin ng VS ang six-man roster strategy nito sa hinaharap.
Hango ito sa artikulo ni Nigel “Zim947” Zalamea ng ONE Esports.