Sabik ang mga fans na malaro na sa wakas si Neon, ang ikaanim na duelist agent matapos ilabas ang Valorant Episode 4 Act 1.

Mayroon nang 18 karakter sa laro at nangangahulugan ito na kailangang mag-isip ng mga manlalaro kung paano i-rebalance ang kanilang agent compositions lalo na pagdating sa pagpili ng tamang duelist.

Matapos makita kung ano ang kayang gawin ng Filipino agent sa early access PBE (public beta environment) na ginawa ng Riot Games, malinaw na sina Neon at Jett ay may parehong agresibong playstyle na makakatulong sa mga koponan.

Kaya naman naisipan naming gumawa ng Neon vs Jett comparison pagdating sa kanilang agent abilities para matulungan kayo kung sinong duelist ang swak sa inyong playstyle.


Neon vs Jett: Paghahambing sa kanilang agent abilities

Parehong speed demons ang dalawang duelist agent na ito pero ang malinaw na pagkakaiba nila ay kaya ni Jett atakehin ang mga kalaban mula sa ere habang si Neon naman ay mahilig sa mabilis na paggalaw sa lupa.

Ang magkaibang atake na ito ay pwedeng magresulta sa maraming kills kung magagamit nang tama.

High Gear versus Tailwind

Malinaw na mas maganda ang Tailwind dash ability ni Jett dahil pwede niya itong gamitin habang nakatayo. Pwede niya rin ito gamitin para makapag-dash sa apat na direksyon (paharap, palikod, pakaliwa at pakanan).

Ito ang dahilan kung bakit si Jett ang best choice na humawak ng Operator. Kaya niyang makatakas sa mga delikadong posisyon sa mapa dahil may abilidad siya na mag-dash papalayo dito.

Ang High Gear combat slide naman ni Neon ay maganda lang gamitin sa paglapit sa mga kalaban. Maaari rin itong gamitin para maiwasan ang abilities o bala ng kalaban at makatago, pero hindi ito kasing epektibo ng Tailwind.

Fast Lane versus Cloud Burst

Ang Fast Lane ay mas malupit na entry ability para sa koponan kumpara sa Cloud Burst. Ang wall ni Neon ang maiging pang-entry dahil malaki ang nasasakop nito sa isang site at kayang i-isolate ang mga defender sa area.

Bagamat mas versatile ang smoke ni Jett dahil pwede niya itong gamitin para makagawa ng one-ways o ilagay sa sarili niya bilang defensive tool, wala itong parehas na impact bilang isang team ability dahil sa maiksing duration nito.

Relay Bolt versus Updraft

Ang Relay Bolt stun ay isa pang magandang entry tool. Pwede itong gamitin para i-clear ang corners at lagyan ng stun ang mga defensive location sa pamamagitan ng tumpak na lineups.

Ang Updraft naman ay mas ginagamit bilang defensive ability na hinahayaan si Jett na mag-hold ng high ground positions at gulatin ang mga kalaban. Pinakamainam gamitin ang vertical dash ni Jett kapag sinabay ito sa kanyang Blade Storm ultimate.

Overdrive versus Blade Storm

Ang dalawang ultimate ay parehas pagdating sa aspeto na binibigay ng mga ito sina Neon at Jett ng armas para idomina ang isang round.

Ang pinagkaiba naman nito ay kaya ni Jett na umatake mula sa ere gamit ang kanyang mga kutsilyo habang si Neon naman ay tumatakbo sa buong mapa at kinukuryente ang mga kalaban.

Kinakailangan ng mas asintadong tutok sa Blade Storm ni Jett dahil mayroon lang itong limang kutsilyo, na gayunpaman ay tumatagal sa kabuuan ng isang round.

Samantala, mas nagbibigay ng room for error ang Overdrive ni Neon dahil may charge ito na 40 kaya pwede niya itong i-spray. Tumatagal ito ng 20 segundo at maaari pang humaba sa bawat kill na kanyang makukuha. Dahil dito, napupwersa siya na umatake.

Ang pagkukumpara sa Overdrive at Blade Storm ay halos parehas sa Vandal vs Phantom debate. Para sa mga manlalaro na sumasandal sa pag-spray at pag-track ng kanilang kalaban, ang Overdrive ni Neon ang swak sa kanila. Para naman sa mga tiwala sa kanilang one-taps at jump shots, sakto ang Blade Storm ni Jett para sa inyo.


Si Neon ang duelist agent na pwedeng laruin ng lahat

Neon vs Jett: Sino ang mas malakas? Papalitan kaya ni Neon si Jett sa Valorant meta?
Credit: Riot Games

Ang agent kit ni Neon ay simple lang dahil bawat ability ay may tiyak na gamit. Bumibida siya kapag pinagsama-sama ang kanyang abilities sa pagkontrol ng isang site.

Dahil dito, nagiging mahalagang asset siya sa isang koponan. Tiyakin lang na gamitin ang mga impormasyong nakalap ng iyong koponan para magamit ang kanyang buong potensyal at makuha ang kalamangan sa bawat laban.

Siyempre, may lugar pa rin si Jett sa meta dahil sa kanyang versatile kit. Ang kanyang abilities ay mas nakatuon sa kanyang sarili bilang isang individual agent kaya naman siya pa rin magiging top fragger kahit na nilabas na ng Valorant si Neon.

Para sa mas marami pang guides, highlights at balita tungkol sa Valorant, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.


Base ito sa orihinal na katha ni Nigel “Zim947” Zalamea ng ONE Esports.