Buhay pa ang pag-asa ng Sentinels na makapasok sa Valorant Champions 2022 at maiwasan ang maagang pagtatapos ng kanilang kampanya sa VCT 2022 season.

Ito’y matapos iligtas sila ng NRG sa pamamagitan ng isang 2-0 victory laban sa Ghost Gaming sa lower bracket round 1 ng VCT North America Challengers Stage 2 playoffs.

Kinailangan ng Ghost na makakuha ng 5th-6th place finish sa NA Challengers Stage 2 para makalikom ng sapat na circuit points at malagpasan ang Sentinels sa standings ng rehiyon.

Subalit nagtapos sila sa 7th-8th place kaya naman nasunggaban nila Tyson “TenZ” Ngo at kanyang mga kakampi ang spot sa North America Last Chance Qualifier (NA LCQ) na gaganapin sa Agosto.


Pwede pang maka-qualify ang Sentinels sa Valorant champions 2022

Sentinels
Credit: Riot Games

Inakala nila TenZ at ng Sentinels na tapos ang kanilang 2022 season matapos ang nakakadismayang group stage run sa VCT NA Challengers Stage 2 kung saan hindi sila nakakuha ni isang panalo sa limang serye.

Wala rin sa huling tatlong matches si Hunter “SicK” Mims dahil sa hindi inilahad na family emergency.

Kaya naman nakasalalay sa maagang pagkakatanggal ng Ghost Gaming sa playoffs ang pag-asa ng Sentinels na makakuha ng spot sa NA LCQ. Nagmukha pa itong malabo dahil napitas ng Ghost ang second seed sa Group A hawak ang 4-1 record.

Credit: Ghost Gaming

Pero tila nag-align ang mga bituin para sa dating hari ng North America. Lulusot sila sa NA LCQ hawak ang 45 points sa 10th place habang kinapos naman ang Ghost tangan ang kanilang 35 points.

Kung pareho pa rin ang rules mula sa nakaraang taon, ang top teams sa NA ang makakapasok sa Valorant Champions habang ang walong sunod na koponan sa circuit point standings ang magsasalpukan sa LCQ para sa huling slot ng kanilang rehiyon.

Ilan pa sa mga koponan na out na rin sa Stage 2 Challengers ngunit may spot na sa LCQ ay ang Cloud9 at The Guard, na parehong natanggal din sa group stage pa lang. May LCQ seat na rin ang Luminosity Gaming sa kabila ng lower bracket round 1 defeat nila sa FaZe Clan.

Para sa Valorant news, guides at highlights, maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.


Hango ito sa artikulo ni Wanzi Koh ng ONE Esports.