Nalampasan na ng tanyag na ng all-Filipino Valorant powerhouse ang balakid na noo’y humadlang sa kanilang makadalo sa isang international tournament.

Sa isang social media post ng Team Secret, kinumpirma nilang selyado na ang visa ng kanilang koponan para sa paparating na Valorant Champions 2021, ang tugatog ng kauna-unahang Valorant Champions Tour na nakatakdang ganapin sa Berlin, Germany.

Mistulang malaking tinik na nabunot sa dibdib ng koponan ang pagkakselyo ng kanilang visa para makalipad sa bansa kung saan gaganapin ang naturang turneo.

Matatandaan kasi na hindi nakadalo ang mga manlalaro, na nirerepresenta pa noon ang Bren Esports, sa VCT Stage 3 Masters Berlin dahil hindi umabot ang approval ng kani-kanilang visa bago ang deadline.


Team Secret pasok sa Valorant Champions 2021

Team Secret Valorant Roster
Credit: Team Secret

Isa ang Team Secret sa mga kinatawanan ng Southeast Asia, kasama ang X10 Esports at FULL SENSE na nag-qualify mula sa Asia-Pacific Last Chance qualifier, para sa paparating na Valorant Champions 2021.

Bagamat bigong makadalo sa Masters Berlin, naging sapat na ang 225 points na kanilang nalikom noong kahabaan ng VCT 2021 season para maselyo ang kanilang slot sa nasabing turneo.

Pagbibidahan ang Valorant Champions 2021 ng 16 sa pinakamalalakas na mga koponan sa buong mundo, kabilang na ang kampeon ng VCT Stage 2 Masters Reykjavík na Sentinels at kapeon ng Masters Berlin na Gambit Esports.


Roster ng Team Secret para sa Valorant Champions 2021

Credit: Riot Games
  • Jessie “JessieVash” Cristy Cuyco
  • Jayvee “DubsteP” Paguirigan
  • Jim “BORKUM” Timbreza
  • Kevin “Dispenser” Te
  • Riley “witz” Go

Naktakdang ganapin ang Valorant Champions 2021 simula ika-isa hanggang ika-12 ng Disyembre.