Tukoy na ang makakalaban ng Pinoy representatives na Team Secret at Oasis Gaming sa group stage maging ng Rex Regum Qeon (RRQ) sa play-in phase ng Valorant Champions Tour (VCT) 2022 Challengers Asia-Pacific Stage 2.

Magsisimula ang mga bakbakan sa VCT Challengers APAC Stage 2 sa ika-9 ng Hunyo at tatakbo ang torneo hanggang ika-26 ng parehong buwan.

Nakataya dito ang dalawang slot ng APAC region sa ikalawang international Valorant tournament na Masters Copenhagen na gaganapin sa susunod na buwan.


Ang mga makakalaban ng PH reps sa VCT Challengers APAC Stage 2 play-in at group stage

PH teams sa VCT Challengers APAC Stage 2
Credit: PPGL

Sisimulan ng VCT PH champion Team Secret at runner-up Oasis Gaming ang kani-kanilang kampanya sa group stage na tinatampok ang mga kampeon at runners-up sa iba’t-ibang rehiyon.

Napunta sa Group D ang Secret kung saan makakalaban nila ang Vietnamese titlist na Fancy United Esports, Thai second-placer na FW Esports at isang koponan mula sa play-in.

Credit: Oasis Gaming

Napadpad naman sa Group C ang Oasis Gaming na makakabanggaan ang reigning APAC at MY-SG kings na Paper Rex, Oceania champ na ORDER at isa pang koponan na makakalampas sa play-in.

Samantala, magsisimula naman sa play-in Group B ang PH third-placer RRQ kasama ang Bleed Esports ng MY-SG, Team Big BAAM ng Vietnam at Ghetto Artist ng HK at TW.

Credit: RRQ Philippines

Narito ang kabuuan ng VCT Challengers APAC Stage 2 play-in at group draw:

Credit: Riot Games

Ang apat na magtatagumpay na koponan sa play-in ay makakapasok sa group stage. Walong teams naman sa group stage ang aabante sa double-elimination playoffs.

Nakatakda ang play-in mula ika-9 hanggang ika-12 ng Hunyo, na susundan ng group stage mula ika-15 hanggang ika-20, at magtatapos sa playoffs mula ika-23 hanggang ika-26.

Mapapanood ang Filipino broadcast ng VCT Challengers APAC Stage 2 sa Facebook, YouTube at Twitch channel ng Philippine Pro Gaming League (PPGL)

Para sa Valorant news, guides at highlights, maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.