BOOM Esports ang hinirang na kampeon ng BTS Pro Series 8: Southeast Asia matapos nilang pangibabawan ang Team SMG, 3-2, sa dikit na best-of-five grand final.

Nasubukan ang gilas ng bagong Dota 2 roster ng Indonesia-based organization sa nasabing palaro. Ito kasi ang unang turneo kung saan tampok sa koponan sina Jasper “Yopaj” Ferrer at Andrei “ctm” Ong na mula sa Neon Esports, pati na rin si Timothy “Tims” Randrup mula TNC Predator.

skem-yopaj-boom-esports
Credit: BOOM Esports

BOOM Esports pinigilan ang reverse sweep ng Team SMG sa BTS Pro Series Season 8: SEA grand final

BOOM Esports BTS Pro Season Season 8 Grand Finalist
Credit: BOOM Esports

Bukod sa posibilidad na makapag-champion sa unang salang ang bagong roster ng BOOM Esports, lalong naging kaabang-abang ang huling araw ng BRS Pro Series Season 8: SEA matapos ilapag ang Dota 2 patch 7.30d ilang oras bago ito magsimula.

Tila ‘di naman natinag ang dalawang grand finalists sa mga pagbabagong hatid nito. Matapos kasing wilisin ng Team SMG ang Motivate.Trust Gaming para iselyo ang kanilang pagkakataong makalaro sa grand final, binuksan naman ng BOOM Esports ang best-of-five serye nang may dalawang sunod na panalo.

Sa kabila nito, hindi naman basta nagpatinag ang mga Malaysian. Bumawi sila sa tulong ng pagpapakitang-gilas ni Kam Boon “Moon” Seng bilang Mirana noong ikatlong mapa at bilang Void Spirit noong ika-apat na mapa, upang matulak sa do-or-die ang serye.

Paglapag ng huling mapa ng serye, tila ibang BOOM Esports na ang naglaro. Muli nilang sinandalan ang Ember Spirit ni Yopaj, habang inagaw naman nila ang Mirana ni Moon para ipalaro ito kay ctm.

Nagsanib-pwersa ang dalawang Pinoy para makapagtala ang kanilang koponan ng 32 kabuuang kills kontra 4 ng kanilang kalaban. Tinapos ni Yopaj ang bakbakan na may game-high 10 kills at 13 assists nang hindi namamatay, habang game-high 22 assists naman ang ambag ni ctm.

Nang mapagtagumpayan na ng BOOM Esports ang BTS Pro Series Season 8: SEA, nag-tweet ang support ng koponan na si Tims ukol sa nagbadyang reverse sweep ng Team SMG.

Matatandaang ni-reverse sweep ng Fnatic ang TNC Predator noong SEA qualifier para sa The International 10, dahilan para hindi makadalo si Tims sa naturang turneo.


BTS Pro Season Season 8 Results
Credit: BTS Dota

Bukod sa championship title, mag-uuwi rin ng BOOM Esports ng USD$24,000 na cash prize, ang pinakamalaking bahagi ng USD$60,000 na prize pool.

Nakatuon naman ngayon ang atensyon ng mga manlalaro sa OB.Moon Asian Arena, isang online Dota 2 tournament na kinatatampukan ng mga koponan mula China at Southeast Asia.