Nagbatid ng pamamaalam ang T1 kina Kim “Gabbi” Santos at Karl Matthew “Karl” Baldovino, dalawang miyembro sa Dota 2 roster nito.

Inanunsyo ng organisasyon ang paglisan nina Gabbi at Karl sa kanilang pangkat matapos ang halos isang buwan simula noong mabigo itong makapasok sa Arlington Major, ang ikatlo at huling Major tournament ng Dota Pro Circuit 2021/2022.

Nakasalalay sana sa naturang LAN event ang pag-asa ng T1 na mapabilang sa 12 koponang makaka-directly qualify sa The International 2022, ngunit natuldukan ito nang magtapos ang kanilang kampanya noong ikatlong Tour sa ikalimang puwesto.

Ngayon, tanging ang regional qualifier na lang ang natitirang daan para sa T1 para makadalo sa pinakamalaking Dota 2 tournament ng taon.

Tapos na ba ang Dota 2 season nina Gabbi at Karl?

Gabbi at Karl tinanggal sa Dota 2 roster ng T1 bago ang TI11 qualifier
Credit: Valve

Dahil walang gaganaping open qualifier para sa The International 2022, ang tanging pag-asa na lang nina Gabbi at Karl para makadalo sa nasabing turneo ay kung may kukuha sa kanilang koponang kalahok sa regional qualifier.

Kabilang sa mga koponang ito ang mga nakalahok sa parehong Divisions ng DPC Southeast Asia noong nakaraang Tour, gaya ng Talon Esports, RSG, Polaris Esports, Team SMG, Nigma Galaxy SEA, Neon Esports, Execration, Lilgun, Army Geniuses, Summit Gaming, Atlantis, Xerxia, at TNC Predator.

Gabbi at Karl tinanggal sa Dota 2 roster ng T1 bago ang TI11 qualifier
Credit: Mars Media

Naging parte ng Dota 2 roster ng T1 si Karl simula noong 2020. Katuwang siya ng koponan noong makapasok ito sa WePlay AniMajor, kung saan nauwi sa ikatlong puwesto ang kanilang kampanya. Nakadalo rin noong nakaraang The International ang Pinoy midlaner.

Kinuha naman ng T1 si Gabbi para palitan si Nuengnara “23savage” Teeramahanon bago ang ikalawang Tour ng gumugulong na DPC. Tagumpay na nakapasok sa ESL One Stockholm Major ang koponan noon, pero bigo itong makalampas sa unang round ng lower bracket.

Samantala, nakatakda namang iraos ang SEA qualifer para sa The International 2022 simula ikatlo hanggang ika-18 ng Setyembre.

Iaanunsyo pa ng T1 ang mga manlalarong papalit kina Gabbi at Karl.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: BOOM Esports pinaluhod ang Team Liquid sa Arlington Major, sinelyo ang direct invite sa TI11