Bibida na si Kim “Gabbi” Santos bilang opisyal na carry ng T1 Dota 2 squad.

Inanunsyo ng South Korean esports organization sa social media ang pagkuha nito sa Pinoy star player isang linggo matapos niyang maglaro bilang stand-in ng koponan sa Dota Pro Circuit (DPC) Winter Tour Southeast Asia Regional Finals.

Tuluyan nang pinalitan ni Gabbi si Thai carry Nuengnara “23savage” Teeramahanon na unang nilagay sa inactive roster at ni-loan sa Motivate Trust Gaming. At dahil dito, tatlo na ang Pinoy pro sa T1 kabilang sina captain-offlaner Carlo “Kuku” Palad at midlaner Karl “Karl” Baldovino.


Gabbi pasok na sa Dota 2 roster ng T1

Gabbi
Credit: Gabbi

Malupit na performance ang ipinakita ni Gabbi bilang stand-in carry upang matulungan ang T1 na makakuha ng runner-up finish sa nakalipas na DPC SEA Regional Finals.

Sa kanilang unang serye, nagpasiklab ang 23-year-old pro sa kanyang signature Phantom Assassin at pinangunahan ang 2-1 na pambawing panalo ng T1 laban sa Fnatic.

Sunod na nagpasabog ang 11K MMR carry sa kanyang Razor na tumikada ng rampage sa deciding Game 3 ng kanilang 2-1 victory kontra BOOM Esports sa upper bracket final.

Sa kasamaang palad, kinapos sila Gabbi at T1 sa kanilang rematch laban sa BOOM sa grand finals kung saan nagkaroon ng problema si Karl sa internet connection.

Sa kabila nito, lubos na natulungan ng former TNC Predator standout ang The International 10 Top 8 finisher na masunggaban ang US$25,000 (P1.2 milyon) prize money at 130 DPC points na mahalaga para makakuha ng direct invite sa susunod na TI.

Susubukan naman ni Gabbi na matulungan ang T1 na makabalik sa tugatog ng SEA Dota sa susunod na DPC Tour na tatakbo mula ika-16 ng Marso hanggang ika-21 ng Abril.

Nagtapos ang koponan sa ikatlong pwesto sa DPC SEA Tour 1 Division 1 na pinagharian ng BOOM Esports.

Kasalukuyang nakikipagtagisan ang T1 laban sa walong koponan sa BTS Pro Series Season 10.

Ang bagong Dota 2 roster ng T1

1 – Kim “Gabbi” Santos

2 – Karl “Karl” Baldovino

3 – Carlo “Kuku” Palad

4 – Kenny “Xepher” Deo

5 – Matthew “Whitemon” Filemon

Coach – Park “March” Tae-won


Maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga balita patungkol sa Dota Pro Circuit.