Walang kuwestiyon, BOOM Esports ang hari ng Southeast Asian Dota sa ngayon.

Sinimento ng BOOM ang kanilang estado bilang pinakamalakas na koponan sa rehiyon matapos pabagsakin ang T1 sa iskor na 3-1 sa championship series ng Dota Pro Circuit (DPC) Winter Tour Southeast Asia Regional Finals, Linggo ng gabi.

Ito na ang ikalimang sunod na kampeonato ng BOOM Esports sunod sa kanilang back-to-back championship sa BTS Pro Series, Mineski Masters at DPC SEA Tour 1 Division 1. Ito rin ang unang titulo na nasungkit nila kasama si Lao carry Souliya “JaCkky” Khoomphetsavong na kinuha nilang stand-in para sa panapos na torneo ng DPC Winter Tour.

Bukod sa isa na namang tropeo, nasunggaban din ng Indonesia-based esports squad na binubuo ng tatlong Pinoy players ang top prize na $50,000 (P2.5 milyon) at 250 DPC points na mahalaga para makatanggap ng direct invite sa The International.


BOOM Esports pinaluhod ang T1 sa title series ng DPC SEA Regional Finals

BOOM Esports
Credit: Beyond The Summit

Salungat sa 2-1 defeat nila sa kamay ng T1 sa upper bracket final kagabi, nailista ng BOOM Esports ang unang panalo sa serye sa pangunguna ng malahalimaw na Kunkka ni Japoy “Yopaj” Ferrer.

Pinakita na naman ng 20-year-old pro na siya ang isa sa pinakamagaling na midlaner sa SEA region matapos magtala ng 16 kills at 9 assists nang hindi namamatay para sindihan ang 30-5 dominasyon ng BOOM sa loob ng 30 minuto.

Bumida naman si Timothy “Tims” Randrup sa kanyang signature Mirana sa Game 2 kung saan on-target siya sa pagbitaw ng Sacred Arrow. Sa 17 minute-mark pa nga, nasapul niya nasapul ang Morphling ni Kim “Gabbi” Santos habang nagba-back at nag-a-Attribute Shift (Agility Gain) ito.

Ilang segundo lang matapos nito, tinamaan din ni Tims si Carlo “Kuku” Palad (Queen of Pain) habang tumatawid ito sa punuan sa tier-2 mid tower para sa isa na namang pickoff at mula dito ay nagtuloy-tuloy na ang pag-snowball ng BOOM Esports na pinuwersa ang 20-minute GG call mula sa T1.

Pero hindi pumayag ang The International 10 Top 8 finisher na ma-sweep sa likod ng Templar Assassin ni Gabbi na kumana ng double rampage para ipako ang 41-minute come-from-behind win sa Game 3.

Sa kasamaang palad, hindi nakapaglaro si midlaner Karl Mattherw “Karl” Baldovino sa Game 4 dahil sa internet connectivity issue at bagamat nakumbinsi nilang maglaro ang 12K MMR Pinoy midlaner at kasalukuyang Top 1 SEA player na si Mc Nicholson “Lelouch-” Villanueva (kilala rin bilang Mac) ng Polaris Esports, malaki pa rin ang naging epekto ng kawalan ni Karl.

Palag-palag pa ang T1 sa early game ngunit hindi na nila napigilan ang pag-arangkada ng BOOM Esports sa midgame kung saan pumukol ng ultra kill si Yopaj sa kanyang Lina.

Nagtuloy-tuloy na ang momentum ng BOOM mula rito at tuluyan nilang tinuldukan ang grand final nang may 29-12 kill score at 33K gold lead sa loob ng 36 minuto.

Bago ito, pinadapa muna ng BOOM Esports ang Team SMG, 2-1, sa lower bracket final para ma-set up ang kaabang-abang na rematch laban sa T1.

Nakabawi na rin sila captain-hard support Andrei “Skem” Ong laban sa koponan ni captain-offlaner Kuku na tinalo sila sa DPC SEA Division 1 at sa upper bracket final kahapon.

Sa unang round ng DPC SEA Regional Finals noong Biyernes, winalis ng BOOM ang SMG tampok ang malupit na mid Snapfire ni Yopaj.

Samantala, nakakuha ang T1 bilang runner-up ng US$25,000 (P1.2 milyon) na prize money kasama pa ang 130 DPC points. Nakatanggap naman ang Team SMG ng US$15,000 (mahigit P760,000) sa third place habang nabigyan naman ang Fnatic ng US$10,000 (mahigit P500,000) sa fourth, ngunit walang nakuhang DPC points ang parehong koponan.

Credit: Beyond The Summit

Pwede niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa karagdagang balita patungkol sa DPC Regional Finals sa iba pang rehiyon.