Talaga namang “comeback is real” ang nangyari para sa esports organization na Thunder Predator nang pagharian nito ang Dota Pro Circuit (DPC) 2021-2022 Tour 1 South America Division 1.

Isa itong malaking pagbawi para sa Thunder Predator, na nagtala ng napakalalang 0-14 record at nalaglag agad pagkatapos ng group stage sa The International 10 noong Oktubre ng nakaraang taon.

Ilang araw matapos koronahan ang Team Spirit bilang bagong kampeon ng TI, pinakawalan ng TP ang buong Dota 2 roster nito at kinuha ang rising team na NoPing Esports para sa DPC Winter Tour.

Credit: WePlay Esports

Hindi naman nagkamali ang organisasyon sa kanilang desisyon dahil dinomina ng kanilang bagong Dota 2 roster ang SA Division 1 at sinunggaban ang 300 DPC points maging ang top prize na US$30,000 (mahigit PHP 1.5 milyon).

Kung hindi nakansela ang Winter Major, pasok agad sana sa playoffs ang Thunder Predator at may pagkakataon sana itong i-redeem ang pangalan nito pagdating sa international LAN scene matapos ang nakakadismayang kampanya sa TI10.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Thunder Predator dinomina ang DPC SA Division 1

Napakalinis ng kampanya ng Thunder Predator sa DPC South America Division 1. Hawak nito sa ngayon ang perpektong 6-0 series win-loss record at natalo lang ng isang game.

Unang winalis ng koponang pinangungunahan ni TI7 veteran at position-4 support Farith “Matthew” Peunte ang former team niya na Infamous. Sunod nila itong ginawa sa Hokori, kapwa TI10 17th-18th place finisher na SG esports, Lava (na binubuo ng TI10 squad ng Thunder Predator) at APU King of Kings.

Credit: Thunder Predator

Nitong Lunes ng madaling araw (oras sa Pilipinas), hinarap nila ang dati nilang organisasyon na NoPing Esports at naging mainit ang tapatan ng dalawa.

Bagamat nakaisa ang NoPing at dinungisan ang kartada ng Thunder Predator sa Winter Tour, nagwagi pa rin sa serye ang Peruvian squad sa likod ng Gyrocopter ni 10K MMR carry Christian “Pakazs” Savina sa deciding Game 3.

Nilista ni Pakazs ang all-time record para sa pinakamabilis na pag-build ng Aghanim’s Scepter sa Gyrocopter nang makuha niya ito sa 10:34 mark. Dahil dito, mabilis siyang nakapag-farm ng kanyang core items at pinangunahan ang 24-minute, 21-9 win ng TP kung saan nakapagtala siya ng swabeng 8-0-11 kill-death-assist record.

May isa pang natitirang serye ang Thunder Predator sa Winter Tour kontra sa kapwa TI10 attendee na beastcoast sa ika-22 ng Enero (oras sa Pilipinas). Pero kahit ano pa ang maging resulta nito, nakataga na sa bato na TP ang hari ng SA Division 1 ngayong Winter Tour.

Subaybayan ang mga istorya tungkol sa natitira pang mga laban sa unang Tour ng DPC 2021-2022 season sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.