Pinagmukhang pub game ni OG midlane wunderkind Bozhidar “bzm” Bogdanov ang kanilang Game 2 kontra sa kapwa Western European powerhouse na Team Liquid sa unang araw ng group stage ng PGL Arlington Major 2022.

Matapos kasi ang maalat na laro sa Game 1, naglagablab ang last pick Batrider ni bzm sa sumunod na laban at tumikada ng 27 kills kasama pa ang 14 assists kontra sa 2 deaths lamang sa 47-14 panlalampaso sa loob ng 22 minuto upang makapwersa ng tabla sa serye. Nangangahulugan ito na nagtala siya ng nakakamanghang 20.5 KDA at 87% kill participation.

Nagawang magdomina ng 17-year-old Bulgarian pro gamit ang isang agresibong item build sa nasabing mid hero na madalas ay nagsisilbing initiator imbes na pangunahing killer o damage dealer.


Ang mabagsik na item build ni bzm sa Batrider

Credit: Valve, ONE Esports
  • Boots of Travel
  • Witch Blade
  • Blink Dagger
  • Aghanim’s Shard
  • Black King Bar
  • Shadow Blade

Karaniwan na ang Boots of Travel para sa isang mid Batrider at maagang nabili ito ni bzm dahil sa ilang early kills. Sunod niyang binili ang Witch Blade—na ‘di madalas gamitin sa hero na ito—sa bandang 13-minute mark pa lang.

Nagbibigay ang Witch Blade ng +35 attack speed, +300 projectile speed, +6 armor at +14 intelligence attribute kaya may additional itong +14 damage din ito sa intelligence heroes tulad ni Batrider kasama pa ang mana at mana regen. Pinapalakas din nito ang basic attack na katumbas ang 0.75x ng iyong int at 25% slow sa loob ng 4 segundo (may cooldown na 9 segundo). Sobrang makati ang pinagsamang Witch Blade at Sticky Napalm (1st skill) na nagpapalakas ng damage mula sa mga atake at spells ni Bat at nag-a-apply din ng slow.

Ilang minuto lang ay nakuha na rin ni bzm isa pang core item kay Bat na Blink Dagger at lalong bumilis ang kanyang mobility upang madaling makaikot sa mapa.



Sa bandang 16-minute mark ay nakabili na siya ng Aghanim’s Shard. Bagamat na-nerf na ang epekto nito sa Batrider, tila OP pa rin ito lalo na kung mapunta siya sa isang angkop na team composition. Dahil sa Shard, hindi na naka-disarm si Bat kapag tumali ng kalaban gamit ang Flaming Lasso (ultimate) at may 50% chance din na mag-apply ng Sticky Napalm ang kanyang normal attack.

Mula nang makuha ni bzm ang Shard, nakapagtala siya ng 14 kills sa loob lamang ng higit 6 minuto lang, salamat na rin sa napaka-agresibong lineup ng OG na binubuo ng Slardar, Marci, Io at Lone Druid. ‘Di nagtagal ay nabili niya na rin ang BKB at sa bandang dulo na lang nakuha ang Shadow Blade bilang panapos.



Tinapos ng defending Major champion OG ang Arlington Major Group Stage Day 1 nang may dalawang draw matapos ding tumabla sa Fnatic sa kanilang unang serye sa Group A.

Maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga balita patungkol sa Arlington Major.



BASAHIN: Arlington Major Group Stage Day 1: BOOM at Fnatic nagtala ng magandang panimula, Talon nabinyagan