Sumabak agad sa tigda-dalawang serye ang tatlong pambato ng Southeast Asia kontra sa mabibigat na koponan mula sa iba’t-ibang rehiyon sa PGL Arlington Major Group Stage Day 1.

Nakapukol ang kasalukuyang kampeon ng DPC SEA na BOOM Esports ng isang sweep at isang draw habang nakakuha naman ng dalawang tabla ang Fnatic kahit pa mayroon silang tatlong stand-in mula sa TSM FTX.

Samantala, nahirapan naman sila Nuengnara “23savage” Teeramahanon at Talon Esports sa kanilang kauna-unahang pagsalang sa international stage.


Recap ng mga laban ng SEA teams sa Arlington Major Group Stage Day 1

BOOM Esports tumabla sa Tundra (1-1) at winalis ang EG (2-0)

Credit: BOOM Esports

Bagamat natalo sa kanilang unang laro laban sa kampeon ng Western Europe na Tundra Esports sa Group B, mabilis na bumawi ang BOOM Esports sa Game 2 upang simulan ang kanilang kampanya sa pamamagitan ng isang tabla.

Nagliyab si star midlaner Jasper Erin “Yopaj” Ferrer sa kanyang signature Ember Spirit na sinindihan ang maagang pag-arangkada ng Indonesia-based squad. Ilang solo kills ang itinala ni Yopaj laban sa katapat na Pangolier ni Leon “Nine” Kirilin bago umikot sa mapa para pumitas pa ng ilang kills at tapusin ang laro na may 14 kills at 11 assists laban sa 2 deaths.



Malaki rin ang ginampanan sa 41-minute win ng support Sven ni Timothy “TIMS” Randrup na nagbigay ng kinakailangang bonus armor para sa kanyang koponan upang mapawalang-bisa ang armor reduction mula sa Weaver at pos-5 Alchemist ng Tundra.

Sunod namang winalis ng BOOM sina Abed “Abed” Yusop at Evil Geniuses sa iskor na 2-0. Nanguna sina Yopaj (Ember Spirit) at TIMS (Rubick) sa 31-minute na dominasyon sa Game 1 bago yupiin ng koponan ang tangkang comeback ng EG sa Game 2 na tumagal nang 50 minuto.


Fnatic sumungkit ng dalawang 1-1 draw sa Arlington Major Group Stage Day 1

Credit: Valve

Bumida ang Tuskar ni Djardel “Dj” Mampusti upang pangunahan ang sorpresang pandudurog ng “Fna-TSM” kontra defending Major champion OG sa Game 1 ng kanilang panimulang serye sa Group A.

Gumawa ng ilang malupit na snowball saves ang beteranong Pinoy pos-4 at pinaandar ang mabilis na pag-ikot ng koponan sa mapa kasama ang Puck ni Fil-Canadian midlaner na si Jonathan “Byrle” De Guia patungo sa one-sided 35-14 victory sa loob ng 33 minuto.



Bumawi naman ang OG sa Game 2 matapos makuha ni Sébastien “Ceb” Debs ang kanyang matinik na Windranger na nagpasiklab sa championship run ng koponan sa ESL One Stockholm Major.

Draw din ang itinala ng Fnatic laban sa Eeastern European champs na Outsiders. Nagpakitang-gilas si captain-offlaner Anucha “Jabz” Jirawong sa Dark Seer upang makuha nila ang Game 1 ngunit nakatabla ang EEU team sa likod ng Templar Assassin ni Danil “gpk” Skutin sa Game 2.


Bumagsak ang Talon Esports sa 1-3

Credit: Talon Esports

Ang Chinese powerhouse at Riyadh Masters 2022 winner na PSG.LGD agad ang nakatapat ng Talon Esports sa kanilang international LAN debut. At gaya ng inasahan, nabinyagan ng 0-2 sweep ang SEA 2nd seed sa kamay ng The International 10 runner-up.

Bagamat natalo muli sa Game 1 laban sa South American champion na Thunder Awaken, hindi hinayaan ni 23savage na hindi makaisa sa Arlington Major Group Stage Day 1 ang Talon. Pumutok ang Sniper ng Thai carry na pumukol ng 20-3-14 kill-death-assist stat line upang pagbidahan ang 40-minute win sa Game 2.



Standings pagkatapos ng Arlington Major Group Stage Day 1

Group A

KOPONANRECORD
Team Liquid3-1
PSG.LGD2-0
Fnatic2-2
OG2-2
Outsiders2-2
Royal Never Give Up2-2
Thunder Awaken1-1
Soniqs1-3
Talon Esports1-3

Group B

KOPONANRECORD
Team Aster4-0
Team Spirit4-0
BOOM Esports3-1
Entity2-2
Na’Vi2-2
Tundra Esports1-3
beastcoast0-4
Evil Geniuses0-4

I-like at i-follow ang Facebook page ng ONE Esports Philippines para sa mga update patungkol sa PGL Arlington Major 2022.