Muling nagbanggaan ang silangan at kanluran sa Riyadh Masters 2022, pero sa pagkakataong ito ay PSG.LGD na ang nangibabaw matapos nilang walisin ang Team Spirit, 2-0, sa maiksi ngunit malupit na grand finals.

Sa kanilang unang LAN ngayon taon, nakabawi ang Chinese powerhouse squad sa makabasag-pusong 2-3 reverse sweep defeat sa kamay ng Eastern European team sa The International 10 grand finals noong nakaraang taon.

Ang championship match ang natatanging playoff series sa Riyadh Masters na nagtapos sa isang malinis na sweep. Sa mahigit isang oras lang na laban, niyupi ng PSG.LGD ang pag-asa ng Team Spirit na magdagdag ng isa pang kampeonato sa kanilang pangalan.


Ang walang katakot-takot na drafting na PSG.LGD ang nagbigay sa kanila ng korona sa Riyadh Masters 2022

PSG.LGD
Credit: Valve

Nasaksihan sa dalawang laro ang matapang na drafting ng PSG.LGD para sa kanilang safe lane duo na sila carry Wang “Ame” Chunyu at hard support Zhang “y`” Yiping. Binuksan ng Team Spirit ang draft sa dalawang laro sa pamamagitan ng nakakahindik na Marci-Viper offlane combo, pero hindi nag-atubili ang LGD na kumuha ng Lone Druid-Enchantress sa Game 1 at Alchemist-Dazzle naman sa Game 2.

Bagamat mahina sina Lone Druid at Alchemist sa laning pressure at namatay pa nga nang dalawang beses si Ame sa laning stage ng parehong laro, nalampasan niya ang naturang hamon. Naitala ng 25-year-old star carry ang highest net worth sa dalawang laro at siya ang dumurog sa depensa ng Spirit pagdako ng mid to late game.



Sa isang meta kung saan ang pagkatalo sa lane ay parang pagkatalo na rin sa laro, nag-stick ang PSG.LGD sa kanilang mga pambatong hero. Isinantabi ng Chinese squad ang mahirap na laning stage at pinatunayang tama ang kanilang mga teorya sa laro sa pamamagitan ng mabilis na back-to-back wins.

Ibinulsa ng LGD ang top prize na US$1.5 milyon (mahigit PHP83 milyon) habang ang Spirit naman ay nakuha ang runner-up prize na US$750,000 (mahigit PHP41 milyon) ng nakakalulang US$4 milyon (halos PHP225 milyon) prize pool, ang ikawalong pinakamataas sa kasaysayan ng Dota 2.

Isang malaking statement ang naging performance ng PSG.LGD sa kanilang unang international event mula noong TI10 grand finals. Dala ang kanilang solidong lineup na magkakasama na nang dalawang taon, tutungo ang Chinese giants sa Arlington Major sa kanilang top form at sunod na mamatahin ang Aegis of Champions sa TI11 na gaganapin sa Singapore sa Oktubre.

Bumalik din ang PSG.LGD sa kanilang nakakatakot na anyo matapos ang tila malamyang laro sa Dota Pro Circuit (DPC) China Tour 3 kung saan nagtapos sila nang may 4-3 record sa 4th place. Dinomina nila ang unang dalawang Tour sa pamamagitan ng pagkuha ng top finish sa Regional League at Regional Finals nang may isang series loss lang.

Para sa Dota 2 news, guides at highlights, maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.


Hango ito sa akda ni Dexter Tan Guan Hao ng ONE Esports.