Saksi ang higit sa 120,000 manonood sa Twitch kung paano binalagbag ng OG ang Alliance sa unang araw ng The International 10 group stage.

Nagsilbing paalala ang naging performance ng koponan kung bakit sila ang kasalukuyang may hawak ng Aegis of Champions matapos bumida ang Clinkz ni Syed Sumail “SumaiL” Hassan sa parehong mapa ng best-of-two series.

Ang Lakad Matatag moment ni OG.N0tail sa TI10 Group Stage

OG nagpasiklab para buksan ang TI10
Credit: Valve

‘Like a boss’ ang datingan ni Johan “N0tail” Sundstein bandang 13 minuto ng unang mapa matapos niyang maiwasan ang smoke gank attempt ng Alliance.

Solid ang pag-juke ng kanyang Ancient Apparition, sa tulong na rin ng Tumbler’s Toy para makaligtas mula sa tiyak sanang kamatayan. ‘Di rin nawala ang pag-spam ng “Lakad Matataaaaag! Normalin. Normalin.” voice line nang maka-alpas siya sa kapahamakan.

At dahil bigo ang Alliance sa pag-pressure sa OG, tahimik na nakapag-farm ang Legion Commander ni Sébastien “Ceb” Debs, na kalauna’y tumulong sa pagtunaw ng mga kalabang mahuhuli sa Duel.

Ceb at SumaiL ng OG nagpasiklab sa unang serye ng TI10 Group Stage

Dota2 OGSumail
Credit: OG Esports

Bukod kay Ceb, malaking sakit sa ulo rin ang dulot ni SumaiL kontra koponan nina Gustav “S4” Magnusson. Bigo silang mapigilan ang Clinkz ni The King na nagtala ng 21 kills at anim na assists nang hindi namamatay.

Hindi naman nagbago ang takbo ng serye pagdating sa ikalawang mapa.

Bagamat bahagyang pumalag ang Alliance at nakuha ang early game advantage, hindi pa rin ito naging sapat para matabla ang serye. Napa-all-chat pa nga ng “?” si N0tail nang maglakad na lang papunta sa Earth Splitter ng kanyang Elder Titan ang Gyrocopter ni Nikolay “Nikobaby” Nikolov.

Matapos ang muling pangingibabaw ng Clinkz ni SumaiL, na-ukit na ang resulta ng serye. Ilang segundo lang din halos ang tinagal ng Alliance sa ikalawang mapa bago ito tuluyang sumuko at tawagin ang GG.

Nakuha ng OG ang 2-0 panalo para masiguro sa kanilang mga tagasuporta na bagamat hindi naging madali ang kanilang kampanya para makapasok sa TI10, nasa mabuting pangangalaga pa rin ang Aegis of Champion.

Mapapanood ang bakbakan sa opisyal na Filipino broadcast ng TI10 sa Twitch, YouTube, at Facebook.


Nagustuhan mo ba ang play na ‘to? Narito pa ang mga epic Dota 2 action sa Heroes of the Game documentary, hatid ng foodpanda.

BASAHIN: 3.22% ang tsansa ng OG na manalo sa TI10, ayon kay Noxville