Gumawa ng website ang Dota 2 statistician na si Ben “Noxville” Steenhuisen para sa paparating na The International 10 at ayon dito, mababa ang tsansa ng reigning champions na OG na madepensahan ang kanilang titulo.

Gamit ang Monte Carlo simulation model, inilathala nito ang probabilidad ng bawat koponang kalahok sa taunang Dota 2 world championship na magtagumpay sa nasabing turneo.

Ang mababang tsansa na muling manalo ang OG, ayon sa stats ni Noxville

OG N0tail kasama si Noxville

3.22% lang ang probabilidad na OG ulit ang mag-uuwi ng Aegis of Champions ngayong taon, ayon sa The International probability website ni Noxville.

Sa 24.98% na probabilidad, ‘di hamak na mas malamang na sa 9th-12th place matatapos ang kampanya ng defending champions.

The International 10 probability website
Screenshot ni Kristine Tuting/ ONE Esports

Kung kasama ang resulta ng OG sa nagdaang Dota Pro Circuit season sa mga variable na ginamit upang mapunta sa nasabing probabilidad, marahil ay ‘di na nga nakapagtataka na mababa ito.

Bigo kasing makadalo ang OG sa parehong Major tournaments ng nagdaang season. Sa kabila nito, makadadalo pa rin ang koponan ni Johan “N0tail” Sundstein sa TI10 matapos nilang mapagtagumpayan ang Western Europe qualifier kontra Tundra Esports.

Sa pangunguna ng PSG.LGD, China, paboritong manalo sa TI10

PSG.LGD Ame
Credit: Perfect World

Samantala, sa 18.86% na probabilidad, ang kampeon ng WePlay AniMajor naman na PSG.LGD ang may pinakamataas na tsansang mag-uwi ng Aegis of Champions ayon sa parehong datos.

Nauna na ring inamin ni N0tail na isa ang PSG.LGD sa mga koponang dapat abangan sa paparating na turneo.

“(I want to face) PSG.LGD,” banggit ni N0tail sa ONE Esports. “They have a lot of cool vibes when you watch them play.”

Maski ang kapitan ng Evil Geniuses na si Tal “Fly” Aizik ay naniniwalang PSG.LGD ang “one of the toughest” sa 18 koponang lalahok sa TI10.

“I would love to have a rematch with PSG.LGD, since last time they 3-0’d us,” saad ni Fly sa isang panayam sa ONE Esports.

Sa kabuaan, ang rehiyon ng China ay may 50.51% tsansang manalo sa TI10, ang pinakamataas kumpara sa lahat ng rehiyon ayon sa datos ni Noxville.

Bukod kasi sa koponan ni Zhang “y`” Yiping, tampok din ang mga pambato ng China tulad ng Invictus Gaming, Vici Gaming, Team Aster, at Elephant. 24% ng mga manlalarong dadalo sa palaro ay mula China.

Ang The Internaitonal probability website ni Noxville ay bumabase sa existing team-based skill metrics para mabuo nito ang mga prediction. Nangako rin ang tanyag na Dota 2 statistician na i-a-update niya ang mga datos kung magkaroon ng mga bagong impormasyon bago magsimula ang palaro.