Walang binago sa Dota 2 roster ng Nigma Galaxy (dating kilala bilang Team Nigma) na susubukang pagandahin ang kanilang performance sa nalalapit na Dota Pro Circuit 2021-2022 season gamit ang kanilang nabuong chemistry.

Bagamat kinapos na makapasok sa The International 10, napagdesisyunan ng koponan mula sa Western Europe na manatiling magkakasama sa kampanya patungo sa pagsungkit ng Aegis of Champions sa susunod na taon.

Kabilang sa Nigma Galaxy ang apat na miyembro ng TI7 champion squad na Team Liquid.

Dota 2 roster ng Nigma Galaxy
Credit: Nigma Galaxy Twitter account

Kumpletong Dota 2 roster ng Nigma Galaxy para sa DPC 2021-2022

1 – Igor “iLTW” Filatov

2 – Amer “Miracle-” Al-Barkawi

3 – Ivan “MinD_ContRoL” Ivanov

4 – Maroun “GH” Merhej

5 – Kuro Salehi “KuroKy” Takhasomi

Sa unang season ng DPC 2021, kasama pa si Romanian midlaner Aliwi “w33” Omar sa main five ng Team Nigma na nakuha ang runner-up finish sa likod ng OG sa TI9. Pumangatlo sila sa Western Europe Upper Division at nakasunggab ng wild card spot sa ONE Esports Singapore Major.

Sa kasamaang palad, ‘di nakalipad patungong Singapore si MinD_ContRoL dahil sa COVID-19 at nag-stand-in ang coach nila na si Roman “rmN-” Paley. Walang naipanalong serye ang Nigma at bigong makausad sa group stage ng naturang torneo.

Matapos ang kanilang nakakadismayang kampanya sa ONE Esports Singapore Major, napagdesiyunan ng koponan na kuhain si Russian carry iLTW at ibalik si Miracle- sa kanyang dating role bilang midlaner habang si w33 naman ay nilagay sa inactive roster.

Nagtapos ulit sa ikatlong pwesto ang Nigma sa sumunod na season ng DPC 2021 pero mas maganda na ang ipinakita nila pagdating ng WePlay AniMajor.

Credit: WePlay Esports

Nalampasan nila ang wild card stage at pumangalawa pa nga sa PSG.LGD sa group stage para maselyo ang upper bracket spot. Winalis nila ang Eastern Europe kings na Virtus.Pro sa unang round ng playoffs ngunit nalaglag sa lower bracket nang talunin sila ng LGD, 2-1. Nag-exit ang Nigma sa 5th-6th place matapos silang ma-sweep ng Evil Geniuses.

Sa kabila ng disenteng finish nila kapitan KuroKy at kanyang mga kakampi sa AniMajor, hindi naging sapat ang nakuha nilang DPC points para maka-secure ng direct invite sa TI10. Kinailangan nilang dumaan sa Western Europe Qualifier kung saan tinalo sila ng OG sa lower bracket finals.

Noong Setyembre, nakipag-merge ang Team Nigma sa Galaxy Racer, ang isa sa pinakamalaking esports, content at lifestyle organization na nakabase sa Middle East, North Africa, at Southeast Asia, kaya kinikilala na ngayon ang koponan bilang Nigma Galaxy.


Nigma Galaxy makikipagbanggan sa DPC 2021-22 Tour 1 WEU Division 1

Credit: LuponWXC

Tatangkain ng Nigma Galaxy na pagharian ang DPC 2021-2022 Tour 1 Western Europe Division 1 (Upper Division) kung saan nakataya ang apat na tiket papunta sa unang Major ng panibagong season kasama ang prize pool na US$205,000 (higit PHP10 milyon).

Makakalaban nila ang Team Secret, Team Liquid, Alliance, Tundra Esports, Team Tickles (dating Vikin.gg) at COOLGUYS sa liga na idaraos mula ika-30 ng Nobyembre, 2021 hanggang ika-22 ng Enero, 2022.

Mapapanood ang opisyal na Filipino broadcast ng DPC Tour 1 WEU Division 1 sa Facebook, YouTube at Twitch channel ng LuponWXC.