Sa pagtatapos ng Dota Pro Circuit (DPC) Winter Tour Southeast Asia Division 1, nasaksihan ang pagkampeon ng BOOM Esports–na orihinal ay Division 2 team pero umangat dahil sa “322 scandal” na kinasangkuta ng Omega Esports.
Mahigpit ang naging bakbakan sa itaas at kahit sa ibaba man ng standings. Ang tatlong koponan sa ilalim ng BOOM Esports na Fnatic, T1 at Team SMG ay nakakuha ng pare-parehong 5-2 series win-loss record. Ang apat na top SEA teams na ito ang magsasalpukan sa DPC Winter Tour Regional Finals kaya ihanda ang inyong mga sarili sa maiinit na namang sagupaan.
Kung gusto niyo nang isang mabilis na refresher kung sinu-sino ang mga hero na pwedeng lumabas sa Regional Finals, narito ang isang deep dive sa meta ng DPC Winter Tour SEA Division 1 na nagdaos ng sumatotal na 71 matches. Lahat ng stats ay nagmula sa Dotabuff.
Heroes na pinakamadalas i-pick at i-ban sa DPC Winter Tour SEA Division 1
5. Kunkka: 17 picks at 36 bans

10th most picked at 3rd most banned hero sa DPC Winter Tour SEA Division 1
Mabilis na kinilala si Kunkka bilang isa sa pinakakatakot na midlaner salamat sa kanyang Tidebringer ability. Napakahirap niyang i-outlane dahil dito bukod pa sa angkin niyang kunat at X Marks the Spot na pwede niyang magamit para makabalik agad sa lane matapos mag-teleport at regen sa fountain. At kung magawa mo siyang matalo sa lane, madali siyang maka-clear ng jungle camps para humabol sa farm.
Isang mahalagang parte din ng kit ni Admiral ay ang kanyang team fighting prowess. Kayang-kayang baliktarin ng kanyang Ghost Ship ang isang clash dahil sa Rum buff na ginagawang mas makunat ang kanyang mga kakampi. Pagdating naman sa pickoffs, napakabisa ng kanyang X-Torrent combo para makahuli ng mga kalaban.
Sa kasalukuyang meta rin ay sumikat muli si Kunkka bilang isang hard carry. Isa sa mga dahilan nito ay ang Armlet of Mordiggian na nagbibigay ng 75 damage at 500 health sa strength heroes sa halagang 2,500 gold lamang. Sulit din sa kanya ang isang component nito na Helm of Iron Will na nagbibigay ng 5 health regen at 6 armor sa halagang 975 gold.
Pabor din kay Kunkka ang kasalukuyang estado ng Dota 2 kung saan hindi kalakihang isyu ang pag-push ng safe lane o pagpapanatili ng static na creep waves. Akmang-akma dito ang kanyang Tidebringer na epektibong pang-harass ng katapat at pang-farm.
4. Monkey King: 8 picks at 48 bans

Most banned hero sa DPC Winter Tour SEA Division 1
Sikat na mula pa noong The International 10, nanatili si Monkey King bilang isa sa pinaka-flexible na hero sa meta hindi lang sa DPC Winter Tour SEA Division 1 kundi sa ibang rehiyon din kahit pa tinamaan siya ng ilang nerfs.
Ang pinakamalaking rason sa pananatili ng kanyang popularidad ay ang kanyang pagiging mailap. Malaki ang epekto ng pagbabago sa casting time ng kanyang Tree Dance mula 0.3 patungong 0.1 segundo. Ngayon, kayang-kaya na niyang tumalon papunta sa mga team fight at creep wave.
Bilang isang agility hero na may spells na lumalakas depende sa kanyang physical damage, kaya ni Sun Wukong na maghalimaw sa late game gamit ang Boundless Strike at Wukong’s Command. Bilang support naman, malakas siyang mang-inis ng mga kalaban sa pamamagitan ng paggamit ng mga item tulad ng Meteor Hammer at Orchid Malevolence mula sa mga puno.
3. Bane: 25 picks at 31 bans

4th most picked at 5th most banned sa DPC Winter Tour SEA Division 1
Si Bane ay isa sa pinakamagandang support sa Dota 2 at sa katanuyan ay isa rin siya sa mga top five heroes sa DPC Winter Tour China Division 1.
Halos ‘di mapantayan ng ibang support ang kanyang laning ability dahil sa kanyang mataas na movement speed, mataas na base stats at Brain Sap. May mga panahon na walang silbi na makipag-trade sa kanya pero ang kapalit naman nito ay mahihirapan ang inyong core hero kaya kahit anong mangyari, may isa talagang mabibigyan at mabibigyan ng isang Bane.
Sa mga susunod naman na parte ng laro, swabeng pang-initiate ang Nightmare at Fiend’s Grip ultimate ni Atropos. Solidong pang-set up ang kanyang Nightmare at pwede pang magamit sa combo kasama ang Sacred Arrow ni Mirana. Ang Fiend’s Grip niya naman ay isang spell immunity-piercing disable kaya naman malaking threat ito para sa kalaban na core.
At kahit ang kanyang Enfeeble na tinuturing na pinakapangit niyang ability ay sulit pa rin lalo na sa mga lineup na nagre-rely sa healing at sa mga hard-hitting physiscal carries.
2. Mars: 33 picks at 29 bans

Most picked at 8th most banned hero sa DPC Winter Tour SEA Division 1
Si Mars ang isang buhay na depinisyon ng salitang solido. Isa siyang stable na offlaner na hindi dapat matalo nang malala kahit sa pinakamahirap na lane (mas maigi kung mayroon siyang Helm of Iron Will) at laging maaasahan pagdating sa mga team fight salamat sa kanyang Arena of Blood na mababa lang ang cooldown. Kaya naman ‘di kataka-taka na siya ang most picked hero sa DPC Winter Tour SEA Division 1 dahil kaya niya mag-fit sa kahit anong draft.
Ang repositioning ability ng kanyang Spear of Mars ay magandang panghuli at pangdepensa rin. Isang death sentence ang katumbas kapag natusok ka sa tore o natulak papunta sa koponan ni Mars kahit pa sa pinaka-farmed na hero. Isa ring tradisyonal na pang-counter si Mars laban sa ranged carries tulad nila Lina at Medusa dahil sa Bulwark na nag-a-absorb ng arrows at bullets habang ang Arena naman ay hinaharangan ang mga ito.
Kaya ni Mars na maging isang halimaw pagdating ng late game. Ang kanyang natural na kunat ang tumutulong sa kanya na gumitna sa mga laban at ang scaling at synergy ng God’s Rebuke sa item effects ang dahilan kung bakit Satanic ang kinukuha ng mga player para manatiling pumapalag.
1. Weaver: 25 picks at 39 bans

3rd most picked at 2nd most banned sa DPC Winter Tour SEA Division 1
Malayo sa kanyang tradisyonal na role bilang carry, ang kalakasan ni Weaver sa kasalukuyang meta ay makikita sa kanyang pagiging support. Siya ang isa sa kinakatakutang hero sa DPC Winter Tour SEA Division 1 dahil sa kanyang versality at pagiging palos.
Unti-unting tinutunaw ni Weaver ang mga kalaban sa lane. Kaya niyang makipag-trade bilang isang hero na may mataas na base damage at pinupwersa niya ang mga kalaban na bumili ng sentry wards dahil sa kanyang Shukuchi. Nagkakaroon ng kill potential sa lane dahil sa kanyang Geminate Attack at The Swarm.
Pagdako naman ng mid-game, halos kahalintulad niya si Monkey King. Si Weaver ay isang insekto na mahirap ipagpag salamat sa kanyang Shukuchi at Time Lapse. Kaya niya ring mag-push out ng lanes at kumuha ng farm sa mga delikadong lugar kahit isang support.
Bagamat hindi siya epektibong team fight initiator tulad ni MK, kaya ni Weaver na makapagbato ng malaking damage kahit konti lang ang farm at may abilidad siya na pitasin ang mga support sa backline. Maganda ring pang-scout at pambawas ng armor ni Roshan ang kanyang The Swarm.
Kung hindi pa sapat ang mga ‘yan, mayroon siyang Aghanim’s Upgrade sa kanyang Time Lapse na isa sa pinakamabisang defensive spells sa Dota 2. Pwede itong i-cast sa kakampi para ibalik ang kanyang health at mana, at swak din para patigilin ang mga hard disables tulad ng Fiend’s Grip ni Bane at Flaming Lasso ni Batrider.
Maaari niyong basahin ang orihinal na akda ni Dexter Tan Guan Hao ng ONE Esports.