Sa isang makabang-damdaming final, hinirang ang Team Spirit bilang mga kampeon ng The International 12 Dota 2 tournament (TI12) matapos biguin ang kapwa paboritong Gaimin Gladiators sa pamamagitan ng 3-0 sweep.

Sa tagumpay, nakalawit na ng pangkat ang ikalawa nilang kampeonato sa prestihiyosong torneo, matapos unang makuha ito noong 2021.

Kasunod ng makasaysayang back-to-back wins ng OG noong TI8 at TI9, ang tagumpay na ito ng Team Spirit ang nagluklok sa kanila bilang pangalawang team na nanalo ng TI ng dalawang beses.

Habang retained roster ang ginamit ng OG para magawa ito, may roster changes na naganap sa Team Sxpirit sa pagitan ng dalawa nilang tagumpay.



Team Spirit winalis ang Gaimin Gladiators para hiraning kampeon ng T12

Credit: Valve

Tapatan ng dalawang paboritong teams ang gumong na grand final. Pumasok ang Team Spirit na may impresibong track record makaraang magpakita ng consistent performance sa kabuuan ng season, kasama pa ng tagumpay sa  Riyadh Masters.

Samantala, sinubukan naman ng Gaimin Gladiators na makuha ang grand slam matapos mapanalunan ang tatlong DPC majors sa gumulong na taon.

Binigyan agad ng dalawang koponan ang madla ng nagbabagang aksyon sa unang mapa nang piliin nila ang unorthodox picks. Bagamat 27% win rate lamang ang naitala sa torneo, kumpiyansa ang Team Spirit sa kanilang Beast Master, habang Gyrocopter namang ang isinalang ng GG kahit pa limang sunod na pagkatalo ang naitala ng hero.

Sa dulo, nanaig ang Beast Master na tinulungan ang TS na makamit ang maagang kalamangan.



Kung unconventional picks ang bumida sa game one ay kabaliktaran naman ang naganap sa game two kung saan bumalik ang dalawang teams sa kani-kanilang comfort picks. Pinatunayan muli ng TS offlaner na si Magomed “Collapse” Khalilov kung bakti kinatatakutan ang kaniyang Magnus na malaking bahagi ang ginawa para makuha ng kaniyang pangkat ang 2-0 lead at match point.

Meta picks naman ang dumomina sa ikatlong sultada. Kinuha ng Team Spirit ang Chaos Knight, Grimstroke, Tusk at Spirit Breaker habang sumandal naman ang Gaimin Gladiators sa Muerta pick kasabay ng Pangolier at Ancient Apparition.

Credit: Valve

Hinawakan ng Gaimin Gladiators ang kontrol sa unang bahagi ng laro ngunit nanaig ang pambihiang team fighting ng Team Spirit na iniligpit ang kanilang mga katunggali, 3-0, para makuha ng ikalawang tropeyo.

Nag-uwi ang TI12 champions ng US$1,413,785 o mahigit kumulang PhP 80Million sa tagumpay. Samantala, nakuha naman ang Gaimin Gladiators ang $376,954 (mahigit-kumulang PhP 21Million).

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa iba pang balita at guides patungkol sa Dota 2.

BASAHIN: Ito nga ba ang best Dota 2 team of all time?