Inanunsyo ng Moonton kamakailan ang pagbubukas ng  Mobile Legends: Bang Bang Professional League sa Middle East at North Africa (MPL MENA) ngayong taon, ang pinakabagong adisyon sa patuloy na dumaraming liga ng MLBB sa mundo.

Ang pagbubukas ng MPL sa Middle East at North Africa ay ang nagmamarka din ng paglalayag ng liga sa labas ng Southeast Asia, kasunod ng pagbunsod ng MPL sa Brazil.


Opisyal na anunsyo tungkol sa MPL sa Middle East at North Africa

Screenshot ni Jules Elona ng ONE Esports

Unang pumutok ang balita sa Youtube page ng Mobile Legends: Bang Bang Arabia. Sa naturang bidyo, inilahad na magkakaroon ng dalawang split ang liga kada taon, ang Spring Split at Fall split.

Ang Spring split ay tatakbo simula Nobyembre hanggang Abril ng 2022, habang ang Fall Split naman ay gaganapin mula Setyembre hanggang Nobyembre ng 2022. 

Kasabay nito, maglulunsad din ng university esports league ang MPL MENA na gagana mula Mayo hanggang Agosto ng 2022.

Paghahatian ng top 10 kupunan sa parehong Middle East at North Africa ang tumataginting US$200,000 prize pool.

Dumating ang anunsyo sa kongklusyon ng M3 Arabia Major kung saan nagpunyagi ang kupunan ng Akatsuki. Sila rin ang team na kakatawan sa kanilang rehiyon sa paparating na M3 World Championship ngayong Disyembre.


Ang paglawak ng Mobile Legends sa buong mundo

Ang pagbubukas ng MPL sa Middle East at North Africa ay bahagi ng expansion ng Moonton para ipakilala ang Mobile Legends: Bang Bang sa mas maraming manlalaro sa labas ng Southeast Asia.

Una nilang binuksan ang liga sa Brazil at Cambodia ngayong taon, kung saan ang Brazil ang unang bansa na nagkaroon ng sariling MPL sa labas ng Asya.

Sa kasalukuyan ay pinag-aaralan ng game developer ang posibilidad na buksan ang MPL North America, dala na rin ng tagumpay na ng North American Qualifiers.