Marami ang nag-aakala na ang paglalaro ng video games ay para lamang sa mga kabataan, ngunit narito si Carmen “Lola Gaming” Taqueban upang patunayan na mali ito.

Ang 74-anyos na lola ay isang player at streamer ng Mobile Legends: Bang Bang ang isa sa mga patunay na hindi tama ang paniniwalang ito.

Bilang isang masugid na tagahanga ng game, si Lola ay naglalaan ng oras sa paglalaro ng MLBB at pagbabahagi ng karanasan sa kanyang mga viewers sa pamamagitan ng kanyang Facebook gaming page na may humigit-kumulang 145K followers sa oras ng pagsusulat.

Mapapanood siya sa kanyang live stream habang gamit ang kanyang mga main heroes na sina Angela, Khaleed, at lalo na Uranus, na ayon sa kanya ay naging kanyang paborito dahil ang tank hero ay “makunat kagaya niya.”



Paano nagsimula ang hilig ni Lola Gaming sa paglalaro ng Mobile Legends

Lola Gaming stream
Screenshot by Ron Muyot/ONE Esports

Sa isang panayam, ibinahagi ni Lola Gaming na nagsimula ang kanyang paglalakbay sa mundo ng gaming noong panahon ng pandemya noong 2020 nang mapansin niyang labis na abala ang kanyang mga apo sa paglalaro ng Mobile Legends, at hindi siya tinutulungan sa mga gawain sa bahay.

Ayon kay Lola, siya ay naging curious sa pinagkakaabalahan ng mga bata, kung kaya’t nagdesisyon ang kanyang apo na si Johnrey na turuan siya kung paano maglaro. Nagtanong din ang apo kung pwede niya itong i-broadcast sa Facebook habang siya ay naglalaro, at pumayag naman si Lola.

“Hindi ko pa nga alam kung anong pindutin ko,” bahagi ni Lola Gaming. “Pati mga minions, pinapatay ako.”

Napansin nila na dumarami ang mga tagapanood habang mas nag-e-enjoy si Lola sa paglalaro. Habang mas natututunan niya ang laro, mas marami siyang oras na inilalaan dito.

Lola Gaming at MPL PH Season 12
Credit: Keith Medrano

“Dati, inaabot ako ng 8 hours. Ako na pinagsasabihan ng mga apo ko, ‘Mama, yung mata mo.’ Tapos naging 6 hours, hanggang naging 2 hours na lang, kasi ako ngayon ang sinasabihan nila. Hanggang 2 hours, pero minsan 3 hours na rin.”

Nang tanungin kung ano ang napapala niya sa paglalaro ng Mobile Legends, ang simpleng tugon ni Lola Gaming ay, “Masaya ako.”

“Bilang isang may edad na, masaya ako. ‘Yun ang napala ko ha. Ganito pala miski may edad ka, ‘pag meron kang napaglalaanan ng time mo na masaya ka, iba talaga ang dating,” sabi ni Lola. “Kaya kung minsan sinasabi ko, ‘Uy ‘yung ibang may mga edad diyan, mag-ML din kayo.”

Sa pagharap sa mga toxic na mga player at mga viewer, sinabi ni Lola Gaming na siya ay nababahala noong una. Pero bilang isang streamer, natutunan niyang tanggapin ang katotohanang ang mga taong ito ay bahagi ng community at hindi niya dapat pabayaan na agawin nila ang kasiyahan na natatamo niya mula sa paglalaro.

Bilang isang streamer, nararamdaman din ni Lola Gaming na may moral na responsibilidad siya sa kanyang mga mas bata na viewers, kaya’t patuloy niyang ipinaaalala sa kanila na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral, dahil sa kanyang paniniwala, ito ang kanilang magiging kayamanan sa hinaharap.

Binigyang-diin din ni Lola ang kanyang pasasalamat sa Moonton Games dahil sa pagbibigay sa atin ng Mobile Legends na naging sanhi ng kanyang bagong kasiyahan. “Nagpapasalamat ako kay Moonton sa ML kasi isa siya sa mga naging bahagi ng buhay ko at nagpapasaya sa akin tuwing nakaupo ako at nagla-live. Thank you,” sabi ng nakakagiliw na lola.

Para sa iba pang balita at guides tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: 3 malalakas na early game heroes para mabilis na makarating sa Mythical Immortal