Matapos ang limang seasons na kapos makatungtong sa podium ng MPL Philippines, nagbalik sa dating tindig ang M2 World Champions para hiranging pinakamalakas sa lahat.

Nakalawit ng AP Bren ang kampeonato ng MPL Philippines Season 12 pagkaraang dispatiyahin ang Blacklist International, 4-1 sa grand final.

Ito na ang ikalawang kampeonato ng pangkat ni coach Francis “Ducky” Glindro, na una nilang nahawakan noong Season 6 kontra sa noon ay Omega Esports.



AP. Bren dinikdik ang Blacklist sa MPL PH S12 Grand final, 4-1

AP. Bren at Blacklist International nagharap sa MPL PH S12 Grand Final
Credit: MPL Philippines

AP. Bren ang unang koponan na nakakuha ng tiket papunta sa grand final matapos patumbahin ang RSG Philippines at ang kalaunan na nakatapat na Blacklist sa upper bracket.

Pagkaraan ng pagkapai kontra sa The Hive, kinailangan ng Codebreakers na daanan ang matarik na lower bracket kung saan sinipa nila palabas ng kumpetisyon ang karibal na ECHO para maselyo ang rematch kontra Bren.

Bagamat sakay ng momentum, AP. Bren ang dumomina sa unang dalawang laro sa pangunguna nina Rowgien “Owgwen” Unigo at Marco “Super Marco” Requitiano. 

Perpektong 4/0/4 KDA ang isinalang ni Super Marco sa kaniyang Brody sa unang mapa, habang Mathilda naman ni Owgwen ang nagpagulong ng atake ng Bren sa ikalawang mapa matapos pumako ng 3/2/11 KDA.



Sinikap ng Blacklist na baliktarin ang ihip ng serye sa game three at matagumpay nilang nagawa ito sa likod ng kanilang last pick Ixia para kay Kiel “OHEB” Soriano. 

Bagamat matulis ang opensa ng lineup ng The Hive na binuo ng Martis, X.Borg at Beatrix, wala silang sagot sa meta marksman ni OHEB na pumukol ng malinis na 11/0/2 KDA.

Hindi nagpatinag ang AP. Bren sa sumunod na mapa kung saan nagsalang sila ng burst damage lineup na binuo ng Martis at Arlott. Mabilis na tinapos ng pangkat ang ika-apat na sultada na hindi tumagal ng lampas 15 minutos.

Tinangka ng Blacklist na muling baguhin ang ihip ng serye sa pamamagitan ng jungle Popol and Kupa para kay Stephen “Sensui” Castillo, ngunit muling nanaig ang pambihirang kombinasyon ng Martis at Arlott ng IESF champions.



Kahit pa hawak ng Codebreakers ang abante sa mid hanggang late game, natagpuan ng AP. Bren ang isang game-changer sa ika-20 minuto ng laro kung saan nabura nila ang apat na miyembro ng Blacklist.

Agad na nagmartsa papunta ng midlane ang pangkat para tapusin ang serye at kuhanin ang matagal na inasam na tropeyo.

Para sa kaniyang husay sa EXP lane, si David “FlapTzy” Canon ang hinirang na Finals MVP.

Bukod sa tiket papunta sa M5 World Championship, ang AP. Bren din ang nakakuha ng pinakamalaking bahagi ng US$150,000 prize pool.

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa iba pang balita at guides patungkol sa Mobile Legends.

BASAHIN: Si Coach Ducky ang pinakabagong miyembro ng MPL PH Hall of Legends