Blacklist International ang ikalawang team na kakatawan sa Pilipinas sa darating na M5 World Championship pagkaraang itumba ang M4 World Champions ECHO, 3-1, sa gumulong na Lower Bracket Finals sa MPL Philippines Season 12 sa EVM Convention Center, Sabado ng hapon.

Sa proseso, makatatapak ang Blacklist sa entablado ng M World Series sa ikatlong pagkakataon magmula noong una silang lumahok, at kalaunan ay magtagumpay, sa M3 World Championships noong 2021.



Blacklist nilaglag ang karibal na ECHO sa LB Finals ng MPL PH S12

Renejay at Yue masaya game 2 tagumpay ng Blacklist kontra ECHO sa MPL PH S12 LB Finals
Credit: MPL Philippines

Pagkaraang itulak ng AP. Bren papunta ng Lower Bracket, maraming nangamba sa kapalaran ng Blacklist International sa ikalawang pagtatagpo kontra sa karibal na ECHO. Gayunpaman, pinatunayan ng mga pambato ng Agents na hindi tiyamba ang pagsupil nila sa mga katunggali sa naunang Upper Bracket semis.

Nagningning para sa Blacklist si Kenneth “Yue” Tadeo na ipinamalas ang kaniyang husay sa Faramis para maitaguyod ang tagumpay sa kaniyang hanay sa unang mapa. Pambihirang mga pihit ng Cult Altar ultimate mula sa midlaner ang nagpahirap sa Orcas na tuluyang tumupi sa ika-22 minuto.

Yue MVP sa Game 1 ng BLCK vs ECHO
Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Ang mga initiation ng Mathilda ni Renejay “RENEJAY” Barcase naman ang gumabay sa M3 World Champions papunta sa tagumpay bago mag-25 minuto sa ikalawang sultada. Nagtala ang roamer ng 0/2/11 KDA para hiranging MVP of the game at tulungan ang kaniyang pangkat makarating sa match point.

Sa bingit ng elimination, inilabas ng ECHO ang kanilang huling alas sa katauhan ni Tristan “Yawi” Cabrera na unang naglaro ngayong playoffs. Ipinakita ng star roamer na wala pa rin siyang kupas nang hawakan ang paborito niyang Khufra na hindi bumigo sa pag-asa ng kaniyang fans.

Tiyempo ang kaniyang mga setup na tumulong sa defending champions na makuha ang kontrol sa mapa, at kalaunan sa laro papunta sa tagumpay sa ika-21 minuto. Nagtala si Yawi ng 0/2/10 KDA papunta sa MVP of the Game gantimpala.

Yawi MVP sa Khufra sa G3 ng BLCK vs ECHO
Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Hindi naman hinayaan ng Blacklist na muling mapatid sa sumunod na mapa at sumugal sa do-or-die. Ito ay pagkatapos ng pambihirang plays mula muli sa midlaner ng team na si Yue na pinuksa ang pag-asa ng Orcas hawak ang Novaria.

Susi ang kaniyang Astral Echo para hanapin ang mga miyembro ng ECHO na nagsalang ng pick-off lineup, kasama na din ang kaniyang long range damage gamit ang Astral Recall. Sa huli ay pumako ang midlaner ng apat na kills at sampung asissts kontra sa dalawang deaths.

Si EDWARD ang hinirang na MVP of the Series sa labanan ng BLCK at ECHO sa MPL PH S12 LB Finals
Credit: MPL Philippines

Sa tagumpay, hindi lamang tiket sa M5 World Championship ang nakamit ng Blacklist kundi ang paghihiganti na matagal nilang inasam mula sa kamay ng Orcas.

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa iba pang balita at guides patungkol sa Mobile Legends.

BASAHIN: Ganito sinelyo ng AP.Bren ang kanilang tiket papunta sa M5 World Championship