May bagong kampeon sa Singapore!

Pinatumba ng Team Flash ang defending champion na RSG SG, 4-3, sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Singapore Season 6 (MPL SG Season 6) grand final.

Ito ang unang tagumpay ng organisasyon sa naturang rehiyon simula nang sumali sila sa liga noong Season 2. Kinuha rin nila ang pinakamalaking parte ng US$100,000 (mahigit PHP5.6 milyon) na prize pool.



Nakamit ng Team Flash ang makasaysayang kontra RSG SG sa MPL SG Season 6 grand final

Team Flash MPL SG Season 6 champion's banner image
Screenshot ni Jules Elona/ONE Esports

Swabe ang byahe ng RSG sa upper bracket matapos talunin ang HomeBois SG at Team Flash para siguruhin ang kanilang puwesto sa grand final.

Matapos naman ang kanilang pagkatalo sa RSG sa upper bracket final, nilampasan ng Team Flash ang EVIL sa lower bracket upang maitakda ang rematch laban sa defending champions.

Solido ang laro ng RSG sa unang dalawang laro ng serye, sa likod ng mala-MVP plays nila Brayden “BRAYYY” Teo gamit ang Alpha sa game one at I “Lucianqt” Pranipata gamit ang Mathilda sa game two.

Dikdikan naman ang bakbakan sa ikatlong laro sa unang 15 minuto. Ngunit isang game-changing Lord steal gawa ng Faramis ni Jay “Jayy” Chng sa 16-minute mark ang nakapagbigay sa Flash ng kalamangan patungo sa kanilang unang panalo sa serye.

Dinomina ng RSG ang game four, at malapit na nilang iselyo ang kampeonato hawak ang malaking kalamangan sa gold, kills, at towers sa sumunod na laro.



Subalit nanakaw ng Team Flash ang panalo dahil sa matagumpay na split push ng Helcurt ni Jaymark “Hadess” Lazaro sa bot lane habang abala ang lahat sa pagpaslang ng Lord sa top sa 19-minute mark.

Kapana-panabik ulit ang game six. Basag na ang mga tore ng Team Flash sa 19th minute isang hit na lang bago masira ang kanilang Base at pangarap na makuha ang trono.

Pero milagrong nadepensahan ni Adam “Adammir” Chong sa kanyang Fredrinn ang kanilang Base sa isang 1v4 sitwasyon upang mabaligtad ang laro at maipuwersa ang title decider.



Hawak ang momentum, kumana ng 10K gold lead ang Team Flash at mabilis na tinapos ang game seven na may 6-1 kill score sa loob ng 14 minuto.

Dahil sa kanyang malupit na galawan at matinik na split push sa game five, itinanghal na Playoffs Most Valuable Player ang Pinoy import jungler na si Hadess.

Credit: Moonton Games, ONE Esports

Kasabay ng kanilang panalo, sinelyo ng Team Flash ang slot sa paparating na MPL Invitational 2023 (MPLI 2023) na gaganapin sa Indonesia sa susunod na buwan.

Pasok din sila sa M5 World Championship na nakataktadang idaos sa Pilipinas sa Disyembre.

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa iba pang balita at guides patungkol sa Mobile Legends.

BASAHIN: China nakatakdang mag-debut sa professional MLBB sa darating na MPLI 2023